WALANG nakikitang problema ang Palasyo sa isinusulong na adbokasiya para sa karapatan ng kababaihan at kabataan ng aktres na si Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil ito rin ang pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa ‘red tagging’ ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., kay Soberano sa Facebook page ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Paliwanag ni Roque, pinag-iingat lang ng AFP si Soberano sa posibilidad na magamit ng mga ‘komunista.’
“Ang issue po, iyong posibleng pagsasamantala ng mga komunista sa mga adbokasiya ng mga personalidad gaya ni Liza at ni Catriona. Pero wala po kaming problema roon sa mga sinasabi nina Liza at ni Catriona dahil ang ating Presidente isinusulong din po ang karapatan ng kababaihan at malinaw po ang track record niya lalong-lalo na noong siya po ay Mayor ng Davao City,” ani Roque sa virtual Palace press briefing.
Mariing kinondena ng kampo ni Soberano ang red-tagging sa aktres sa iba’t ibang social media platforms.
Ayon kay Atty. Juanito Lim, Jr., abogado ng aktres, isinatinig lamang ni Soberano ang kanyang pagmamahal at paggalang sa kababaihan at kabataan bilang personal na adbokasiya.
“Ms. Soberano remains to be apolitical. She does not support nor antagonize any person’s political views. The important point here is respect for others, a virtue she has conscientiously practiced all her life,” sabi ni Lim.
“We, thus, call on everyone concerned to be circumspect in associating our client with their respective politics beliefs, whatever it may be,” dagdag niya.
Sa kanyang Facebook account, binigyan diin ng manager ni Soberano na si Ogie Diaz na walang masamang sinabi ang aktres patungkol sa mga karapatan ng mga kababaihan at ng kabataan sa sinalihang webinar ng Gabriela bilang panauhin.
Hindi aniya miyembro ng Gabriela o ng kahit na anong partido o partylist ang aktres.
“Saan pong organisasyon dapat magsalita si Liza na bagay pag-usapan ang tungkol sa women’s and children’s rights na kikilalanin at paiigtingin ang karapatan ng mga babae at mga bata na hindi po siya mare-redtag?” aniya.
Habang si Senator Risa Hontiveros ay nagbabala kay Parlade na huwag gamitin ang kapangyarihan bilang heneral para takutin at pagbantaan ang aktres.
“Huwag mong gamitin ang kapangyarihan mo bilang heneral upang takutin at pagbantaan ang mga kababaihang ito. Your threats and harassment are unacceptable. By silencing them, pinalalampas mo ang karahasan, panggagahasa at pang-aabuso na nararansan ng napakaraming Filipino. This is a shame to your rank and to the PMA,” anang senadora.
“I started as a young advocate for women’s rights, and married a military man and raised a family of 4 with him. We betray the integrity of our military, and especially our women and children by allowing abuses of power like this to happen,” giit niya.
Tiniyak ng senadora na hindi palalampasin ang ginawa ni Parlade kaya’t dapat ihanda ng heneral ang kanyang sarili sa susunod na pagsalang sa Commission on Appointments.
“Tatandaan ko ang lahat ng mga ito at paghandaan mo ang susunod nating paghaharap sa Comission on Appointments. Hindi ko ito kayang palampasin. See you in the next round.”
Payo ng senadora kina Soberano at Gray, “This is your constitutional right; don’t be afraid. Patuloy n’yo lang panindigan ang karapatan ninyong magsalita. Kasama ninyo ako at karamihan sa ating mamamayan. I salute and embrace you.”
(ROSE NOVENARIO)