PINAIGTING ng magkasanib puwersa ng pulisya at Coast Guard ang search and rescue operations upang mahanap ang apat na pasahero ng isang motorized pump boat na tumaob sa tubigan ng bayan ng Simunul, lalawigan ng Tawi-Tawi, noong Lunes, 19 Oktubre.
Ayon kay P/BGen. Samuel Rodriguez, direktor ng Bangsamoro Autonomous Region regional police, nauna na nilang nailigtas sa rescue operation ang 11 kataong sakay ng isa pang motorized pump boat.
Kinilala ang mga nailigtas na pasaherong sina Dalson Kadil, Habil Kadil, Noralyn Kadil, Inang Danial, Delma Abdulgafor, Almasil Abdulgafor, Roman Kadil, Alsimal Abdulgafor, Iradzmal Abdulgafor, Nursilyn Kadil, at Airin Danial, pawang mga sakay ng motorized pump boat na may pangalang Ronymal.
Samantala, pinaghahanap pa rin ang mga pasahero ng isa pang bangka na may pangalang Baby Nor na kinilalang sina Jig Abdul, Ajil Abdul, Julhamin Abdul, at Raiza Abdul.
Ani Rodriguez, umalis ang dalawang bangka sa Barangay Poblacion, sa bayan ng Sitangkai patungong bayan ng Bongao, sa naturang lalawigan.
Dahil sa masamang panahon at malalakas na alon, tumaob at lumubog ang dalawang pumpboat matapos tamaan ng malaking alon.
Dinala ang mga naunang nailigtas na mga pasahero sa wharf ng Barangay Bakong para sa agarang atensiyong medikal saka inihatid sa bahay ng barangay chairman ng Bakong, sa bayan ng Simunul.