UMABOT sa 10,000 residente ang nawalan ng tahanan sa bayan ng Pagalungan, sa lalawigan ng Maguindanao, dahil sa matinding bahang hatid ng buntot ng bagyong Pepito at hanging habagat, noong Martes, 20 Oktubre.
Kasalukuyang nananatili ang mga apektadong residente sa mga itinayong pansamantalang shelter sa kahabaan ng national highway.
Matatagpuan ang Pagalungan sa tabi ng Liguasan Marsh, isang malawak na wetland na sumasakop sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato, at Sultan Kudarat.
Nagsisilbing “catch basin” ang marshland ng tubig mula sa mga ilog ng Agusan at Kabacan.
Ayon kay Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod, lubog sa baha ang 11 sa 12 barangay ng kanilang bayan.