NASA balag ng alanganin ang karera sa pagpupulis ng isang miyembro ng Manila Police District (MPD) na sinasabing nakabaril at nakapatay ng isang nadakip na suspek sa ilegal na droga na naganap sa loob mismo ng Manila Police District – Moriones Station (MPD-PS2) noong linggo ng gabi sa Tondo, Maynila.
Nabatid na ipinag-utos ni MPD Director P/BGen. Rolando Miranda na sampahan ng kasong kriminal si P/Cpl. Jomar Caligaran ng MPD General Assignment and Investigation Section (GAIS) sa Manila Prosecutors Office.
Sa ulat, sinabi ni Caligaran na habang nasa loob ng presinto ang isang hindi pa pinapangalanang suspek na natiklo sa Chacon St., dahil sa ilegal na droga, naglabas umano ng kalibre .22 at pinaputukan ang pulis pero nagmintis.
Kasunod ntio, nagpambuno umano ang pulis at ang suspek hanggang pumutok ang baril na ikinamatay ng naaresto.
Gayonman, tila hindi kombinsido si Miranda sa salaysay ni Caligaran dahil nakapagtataka aniya na hindi nakita ng pulis ang sinasabing baril ng suspek nang madakip sa kalsada at aniya bakit hindi nakaposas.
Sinabi ni Miranda na hindi siya magbabase sa naturang ulat at kailangan pa rin magsagawa ng dagdag na imbestigasyon para malaman ang tunay na pangyayari.
Ayon kay Miranda, pinaiimbestigahan na niya ang criminal at administrative liability ng nasabing pulis. (BRIAN BILASANO)