ISANG tren ng Philippine National Railways (PNR) na may biyaheng Bicol, ang nadiskaril, at umabot nang dalawang oras ang pagsisikip ng trapiko sa Maharlika Highway, sa bahagi ng bayan ng Gumaca, lalawigan ng Quezon, noong Sabado ng umaga, 17 Oktubre.
Ayon kay Gumaca Mayor Webster Letargo, naganap ang insidente sa isang railroad crossing sa ng Maharlika Highway sa Barangay Lagyo, sa naturang bayan, dakong 9:00 am.
Nagsanhi ito ng mabigat na trapiko ngunit agad nagtulungan ang mga opisyal ng barangay at iba pang mga boluntaryo na paraanin ang maliliit na sasakyan sa isang bahagi ng tabing kalsada.
Ani Letargo, tumawag sila ng payloader upang maiusog ang isang bahagi ng tren at magkaroon ng daanan ang maliliit na sasakyan.
Nagtalaga rin si P/Maj. Rodelio Calawit, hepe ng Gumaca police, ng iba pang mga pulis upang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko.
Tuluyang naisaayos ang pagdaan sa railroad crossing dakong 11:15 am.
Ani Calawit, nagsasagawa ng test run ang nadiskaril na tren na may rutang Manila-Bicol.
Sinabi ni Calawit sa panayam, base sa paunang imbestigasyon, may mga bahagi ang riles na nasa malambot at matubig na lupa na maaaring naging dahilan ng pagkadiskaril.