NANAWAGAN ang pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) sa publiko na dumalaw na sila sa mga namayapa nilang mahal sa buhay bago pa man ipasara ang lahat ng sementeryo at kolumbaryo alinsunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapanatiling ligtas sa CoVid-19 ang publiko.
Nauna nang sinabi ni MNC Director Roselle “Yayay” Delos Reyes na may panahon pa upang makadalaw sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay basta’t sundin ang health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask/face shield at pagpapanatili ng physical distancing.
Aniya, isasara ang MNC sa darating na 29 Oktubre hanggang 4 Nobyembre alinsunod sa panuntunan ng IATF.
Sa kabila nito, sinabi ni Delos Reyes na bagama’t sarado ang sementeryo sa lahat ng dadalaw ay tuloy naman ang operasyon nila sa libing at cremation.
Ayon kay Delos Reyes, sa paglilibing ng mahal sa buhay nasa hanggang 30 katao lamang ang maaaring makapasok sa sementeryo at mahigpit na ipatutupad ang physical distancing lalo ang pagsusuot ng facemask.
Mahigpit din na ipinagbabawal na makapasok sa MNC ang mga bata partikular ang edad 20 pababa gayondin ang mga senior citizen.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng alak, gamit na pangsugal, at maiingay na kagamitan sa loob ng North Cemetery.
Sa oras na masita ng mga nakatalagang awtoridad sa MNC ang mga bitbit nilang gamit na kabilang sa kanilang ipinagbabawal agad itong kokompiskahin.
Pinayohan ni Delos Reyes ang publiko na maglaan ng oras na makapaglinis at madalaw ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa MNC upang hindi na makipagsabayan o makipagsiksikan pa lalo na kung palapit na ang pansamantalang pagpapasara ng nasabing kampo santo.