MATAPOS matengga nang pitong buwan sa kanilang mga tahanan, puwede na ulit lumabas ng bahay ang mga edad 15-65 anyos.
Inihayag ng Palasyo na aprobado na sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga pagbabago sa age-based stay-at-home restrictions.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakasaad sa IATF Resolution No. 79, papayagan nang lumabas ng bahay ang mga edad 15-65 anyos na dati’y mula 21-60 anyos lamang.
Puwede aniyang magtakda ang mga lokal na pamahalaan ng mas mataas na age limit para sa mga menor-de-edad, depende sa sitwasyon ng CoVid-19 sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, gumawa ang IATF ng mas malinaw na depinisyon ng mga temino na tinawag bilang interzonal movement at intrazonal movement.
Sinabi ni Roque, ang interzonal movement ang tumutukoy sa galaw ng mga tao, bilihin at serbisyo sa pagitan ng mga probinsiya, highly urbanized cities, at independent component cities na nasa ilalim ng iba’t ibang community quarantine classification.
Ang intrazonal movement naman ang tumutukoy sa galaw ng mga tao, bilihin, at serbisyo sa pagitan ng mga probinsiya, highly urbanized cities at independent component cities na nasa ilalim ng parehong community quarantine classification, na hindi na kinakailangan idaan sa ibang lugar na nasa ilalim ng ibang klasipikasyon.
Sinabi sa resolusyon ng IATF, puwede na ang interzonal at intrazonal movement kahit hindi Authorized Persons Outside Their Residences (APOR) ang mga residente na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ basta’t susunod sa regulasyon ng LGUs. (ROSE NOVENARIO)