Monday , December 23 2024

Libing ni Baby River ‘binastos’ ng estado

ni ROSE NOVENARIO

BINALOT ng pagluluksa, pighati, at poot ang paghihimlay sa huling hantungan ng tatlong-buwang gulang na sanggol habang nakaposas at bantay sarado ng mga armadong pulis ang kanyang inang detenidong aktibista dahil sa ‘paglapastangan’ ng mga armadong awtoridad sa tradisyonal na paglilibing sa Manila North Cemetery kahapon.

“Lalaya ako nang mas matatag… panandalian ‘yung pagdadalamhati natin… babangon tayo…” luhaang wika ni Reina Mae Nasino sa kanyang huling paalam kay Baby River.

Batay sa ulat, direktang nag-takeover ang mga opisyal at kagawad ng Manila Police District (MPD) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa libing at binalewala ang mga preparasyon ng pamilya Nasino para sa isang tradisyonal na seremonya sa paghahatid sa huling hantungan ng isang minamahal.

Sa kanyang Facebook post, inihayag ni blogger/columnist Tonyo Cruz na inobligang magmakaawa at lumuhod ang ina ni Reina Nasino na si lola Marites sa ground commander para payagan siyang ilibing ang apo.

Pinagbawalan aniya ng isang opisyal ang pagdi-display ng placards na humihingi ng hustisya at inagaw ng opisyal ang placards.

Aniya, nang magsimula ang martsa papuntang Manila North Cemetery, bigla na lang inagaw ng BJMP-PNP ang ataul ni Baby River Emmanuelle a.k.a. Mikmik.  para maihawalay ang pamilya at mga kaibigan na nagmamartsa.

“Mula pagdating sa Manila North Cemetery, planadong planado ang puwestohan at gagawin ng mga tropa ng BJMP-PNP. Pinagpasa-pasahan nila ang ataul ni Baby River para mabilis na mailagay sa may nitso,” sabi ni Cruz.

Pinuno umano ng mga tauhan ng BJMP-PNP ang paligid ng nitso ni Baby River, naka-hazmat at nakaposas si Reina Nasino, at may close-in escort na nakadikit sa kanya.

“Iilang tao na lang ang nakalapit sa ataul. Imbes pari o ministro, mga tropang naka-full battle gear ang nandoon. ‘Yung nanay ni Reina Nasino at lola ni Baby River ay tumanaw at umiyak na lang sa malayo,” sabi ni Cruz.

“Ipinagmalaki pa ng mga opisyal ng pulis ang kanilang ginawa. Inabuso ng BJMP-PNP ang utos ng korte. Ang utos ay i-escort lamang si Reina Mae. Pero nakialam, nanghimasok, nag-takeover sila sa lamay at libing. Lumabag sila sa utos ng korte,” ani Cruz.

Nilabag din aniya ng BJMP-PNP ang nakasaad sa Civil Code: “Any person who shows disrespect to the dead, or wrongfully interferes with a funeral shall be liable to the family of the deceased for damages, material and moral.”

JUSTICE SYSTEM AYUSIN

HINIMOK ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang publiko na ang naramdamang pagkadesmaya, habag, galit, at pagluha para sa nangyari kay Baby River ay magsilbing ningas sa kolektibong determinasyon at aksiyon upang ayusin ang justice system sa bansa.

Sinabi ni IBP National President and Chairman of the 24th Board of Governors Domingo Egon Cayosa, ang makabagbag damdaming sinapit ni Baby River ay naging dahilan upang igiit nila ang tatlong katanungan hinggil sa sistema ng hustisya sa Filipinas.

Una, bakit hindi maprotekhan ng justice system ang mga pangangailangan at mga karapatan ng isang inosentemg sanggol para sa breastfeeding at malaking tsansa para mabuhay?

Ikalawa, bakit walang sapat na pasilidad ang mga bilangguan upang matugunan ang mga pangangailangan at mga karapatan ng mga bata at mga babaeng detenido na kinikilala sa domestic at international law?

Ikatlo, bakit kailangan magtagal bago igalang, protektahan, at tuparin ang karapatang pantao?

Ikaapat, hindi kaya may double standard sa pagpayag sa mga sikat na detenido ng katulad o mas malaki pang mga pribilehiyo kaysa ipinagkaloob kay Reina Nasino?

Ikalima, hindi ba puwedeng umiral ang hustisya na may awa?

Binigyan diin ng IBP na hindi dapat mabiktima ang mga inosenteng sanggol sa maling implementasyon ng batas dahil may mga karapatan sila at may obligasyon tayong alagaan sila.

“Let our humanity rise above our personal comforts or the privileges of power,” wika ni Cayosa.

LIBING, HINDI GERA RESPETO, HINDI DAHAS – CAP  

NAKIISA ang Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa pamilya at mga tagasuporta ni Reina Nasino.

Ipinagkait anila ng mga pulis at militar sa pamilya Nasino ang pagbibigay pugay sa namayapang mahal sa buhay at paghahatid sa kanyang huling hantungan ay mahalagang tradisyon at ritwal sa alinmang lipunan.

“The last rites of accompanying a loved one to one’s final resting place are important cultural traditions and rituals in any society. Today, the police and military deprived Reina and Baby River’s mourners of these final moments and space for grieving, in how they acted,” pahayag ng CAP.

“No matter how much they try to deny or justify it, their actions — from the deployment to the funeral parlor of fully armed personnel, mobiles, and a firetruck as well as their rushed takeover of Baby River’s coffin during the funeral march — all reek of impunity, blind obedience to cruel orders, and abuse of power. A grieving mother and political detainee in full PPE, handcuffed, and escorted by many heavily armed personnel during a public funeral poses no threat or flight risk to ever merit this kind of treatment,” sabi ng CAP.

Matatandaan noong nakalipas na Agosto ay inagaw din ng mga pulis sa kanyang nagluluksang pamilya ang bangkay ng pinaslang na lider-magsasaka at peace advocate Randy Echanis habang nakaburol.

“We call for an end to such actions of state forces, fanned by top officials such as NCRPO Debold Sinas and DILG Secretary Eduardo Año, to harass activists and deprive all of our rights and freedom of expression.”

 

 

 

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *