NATAGPUAN sa tubigan ng bayan ng Simunul, sa lalawigan ng Tawi-Tawi ang isang saltwater crocodile na mas malaki pa sa kotse, noong Miyerkoles, 15 Oktubre.
Ayon kay Ruben Valcorza, opisyal ng Simunul disaster risk reduction management, natagpuan ang buwaya sa tubigang pinagigitnaan ng mga barangay ng Manuk Mangkaw at Taytay.
May haba ang buwaya na 17 talampakan at 10 pulgada, mas mahaba sa karaniwang kotse na may sukat na 15 talampakan.
Dagdag ni Valcorza, ito ang pang-apat na buwaya na natagpuan sa bayan ng Simunul.
Unang natagpuan ang isang buwayang may habang 16 talampalakan at 11 pulgada sa Sokah Bulan noong Setyembre 2017 na binansagan nilang “Papa Bulls,” samantalang ang pangalawa at pangatlong nakitang buwaya ay may sukat na hindi lalagpas sa anim na talampakan.
Unang pinangalanang “David” ang pinakahuling bumisitang buwaya sa Simunul, kapangalan ng residenteng nakahuli nito.