ni ROSE NOVENARIO
UMALMA si Presidential Spokesman Harry Roque sa akusasyon ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na bayaran ang UP experts kaya walang Karapatan batikusin ang Manila Bay white sand breach project.
Sinabi ni Roque, batay sa UP Charter o Republic Act (RA) 9500, bahagi ng tungkulin nito ang tulungan ang gobyerno.
“UP has a new charter. It is really a partner of government and that is why I had to distance… In fact, I will go to the extent that I disagree with the statement of USec (Undersecretary) Antiporda but he has already apologized for it,” sabi ni Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
Sa ilalim ng Section 3 ng RA 9500, “UP shall lead as a public service university by providing various forms of community, public, and volunteer service, as well as scholarly and technical assistance to the government, private sector, and civil society while maintaining its standards of excellence.”
“Nasa batas po ‘yan na talagang partner natin ang UP bilang isang national university and, as a professor of 15 years in UP, ginawa din po namin ang katungkulan namin para tulungan ang gobyerno,” ayon kay Roque.
Pinagbintangan kamakalawa ni Antiporda ang mga eksperto mula sa UP Marine Science Institute (UPMSI) na mga bayaran matapos nilang ihayag na ang pagtambak ng dinurog na Dolomite bilang white sand sa 500 meters by 60 meters na bahagi ng Manila front beach sa tabi ng US Embassy ay isang beautification project na masyadong mahal at pansamantala lang.
Sa ilang araw na pagbuhos ng malakas na ulan, halos wala nang makitang pekeng white sand sa baybayin ng Manila Bay at umani ito ng batikos, hindi lang mula sa UP experts, kundi maging sa netizens.
Humingi ng paumanhin si Antiporda sa UP scientists at sinabing wala siyang intensiyon na sirain ang magandang pangalan ng UP at natangay lang raw siya ng kanyang emosyon.
Tinanggap ni Dr. Laura David, UP-MSI director, ang paghingi ng paumanhin ni Antiporda.
Kaugnay nito, nanawagan ang UP Geographic Society na bawiin ni Antiporda ang akusasyon laban sa UP scientists at magbitiw sa puwesto upang mabigyan daan ang ibang mas kalipikado sa kanyang posisyon sa DENR.
“Considering your-ill fitting background for the job as well as your disregard for the opinions of other Filipino scientists, we call on you to formally retract your statements against the [UP Marine Science Institute] and to resign from your position as undersecretary, as both a form of accountability and to give way for other, better qualified candidates to work in the department,” ayon sa UP GeogSoc.
Para kay human rights lawyer Chel Diokno, mas mahal pa ang ginastos ng DENR na P389 milyon para sa Dolomite beach kompara sa mga proyekto ng UPMSI sa loob ng nakalipas na sampung taon nagkakahalaga ng P364 milyon.
“‘Yung P389M dolomite beach, mas mahal pa ang ginastos ng DENR kaysa 10 years of projects ng marine scientists natin. Pero ang scientists natin, tuloy lang sa pagsisilbi sa bayan. Kaunting katarungan at respeto naman, lalo na galing dun sa mga wala namang expertise sa ginagawa nila,” sabi ni Diokno.
Sinabi ni UP Vice President for public affairs Elena Pernia na ang UP bilang isang public service institution na pinopondohan ng pera ng bayan ay may mandatong ilabas ang resulta ng kanilang mga pag-aaral sa sambayanang Filipino.