Kung ano ang puno, siya ang bunga.
— Salawikain
BAGITONG reporter pa lang ako noon ng Journal Group of Publications nang makilala ko at maging kaibigan ang ama ng ‘nagpaalam’ na House speaker Alan Peter Cayetano na si Atty. Renato ‘Rene’ Cayetano.
Hindi ko akalaing maging kakaiba ang pamantayan ng supling ng batikang abogado na humawak bilang bahagi ng prosekusyon sa kontrobersiyal na kaso ng Vizconde massacre. Nakasama ng matandang Cayetano ang batikang abogado at dating senador Rene Saguisag.
Sa nagwakas na hidwaan ng batang Cayetano at Marinduque representative Lord Alan Velasco, kitang-kita ang tunay na kulay ng una, na ang ikinatuwiran sa pagkapit-tuko sa pagiging pinuno ng Kamara (de Representante) ay kautusan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin niya ang talakayan ng pambansang budget sa 2021 para maaprobahan ito bago magtapos ang kasalukuyang taon.
Iba ang pagkakakilala natin sa ama ng dating House speaker, matalino, matapat, kumakatig sa katarungan at isang tunay na lalaking tumutupad sa kanyang pangako at naninindigan sa kanyang mga prinsipyo.
Ganito ba ang naipamalas ng kinatawan ng Taguig-Pateros nang makipagbangayan siya sa kasamahan niyang mambabatas na si Velasco?
Nasaan ang pagiging maginoo ng magiting na kongresista at dating speaker na parang gustong suwayan ang kasunduan nilang hahalili sa kanya si Velasco?
Napakasamang ehemplo ang ipinakita ng batang Cayetano — nakahihiya para sa isang iginagalang na mambabatas na bumabalangkas ng mga batas na dapat sundin ng bawat Filipino.
Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang ginawa, napatunayan lamang niya na hindi na uubra pa ang salawikaing “kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.”
* * *
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o dili kaya’y i-text sa numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera