PATAY na bumulagta ang isang pulis na sinabing matagal nang nasa talaan ng absent without leave
(AWOL) ng Manila Police District (MPD) nang tambangan habang lulan ng kanyang motorsiklo sa Tondo, Maynila, kahapon, Huwebes ng umaga
Hindi na naisugod sa ospital ang bumulagtang biktima na kinilalang si P/Sgt. Drandreb Cipriano, 47 anyos, residente sa Lallana St., Tondo dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng MPD Homicide Unit, naganap ang pananambang dakong 9:10 am habang lulan ang biktima ng kanyang itim na Yamaha Mio at binabagtas ang naturang lugar ngunit paglampas sa kanto ng Vitas at Bonifacio streets ay biglang pinagbabaril ng isang hindi kilalang gunman.
Mabilis na tumakas ang suspek lulan ng itim pero hindi naplakahang motorsiklo patungo sa Ugbo St.
Sa karera ng biktima bilang isang pulis, taong 2006 noong PO1 pa lamang ay naging target ng PNP-CIDG sa hinalang nagsu-supply ng ilegal na droga sa Tondo.
Muntik noong mauwi sa madugong komprontasyon sa PNP-CIDG ang isinagawang operasyon na isa ang biktima sa apat na inarestong pulis-Maynila.
Ayon sa source, ilang taon nang AWOL si Cipriano makaraang mapabalita na sangkot sa kalakaran ng droga sa Tondo.
Gayonman, sa kabila ng pagiging AWOL ng biktima ay patuloy siyang sumasama sa ilang miyembro ng pulisya sa lungsod.
Nakuha mula sa biktima ang isang kalibre .45 baril at patuloy ang imbestigasyon ng MPD sa posibleng motibo sa pagpaslang sa biktima at pagkakakilanlan ng suspek. (BRIAN BILASANO)