BUO na ang majority coalition sa Kamara (de Representantes) matapos makipagsanib ang Nacionalista Party at ang National Unity Party sa coalition na pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Hindi lamang po nalaman kung ang sinibak na House Speaker Alan Peter Cayetano at si Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte ay lumagda din sa manifesto para suportahan si Velasco na lider ng Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-LABAN).
Naunang makipagpulong kay Velasco ang National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Dasmarinas City Rep. Elpidio Barzaga.
Noong Martes ay unang kumalas ang Lakas-CMD at Liberal Party (LP) kay Cayetano para suportahan ang liderato ni Velasco.
Binubuo ng halos lahat ng partido ang Majority Coalitin sa Kamara na kinabibilangan ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), NUP, Lakas, LP, NP at party-list groups.
Kaugnay nito, pinabulaanan ni 1-Pacmann Partylist Rep. Mikee Romero ang sinabi ni Villafuerte na nag- resign si Cayetano.
Ayon kay Romero, pinatalsik ng 186 kongresista si Cayetano noong nagbotohan sa Celebrity Sports Plaza noong Lunes.