PATAY ang isang barangay tanod at isa pang lalaki habang sugatan ang barangay chairman at apat na iba pa matapos tambangan ng isang grupo ng mga armadong lalaki sa bayan ng Sta. Margarita, sa laalwigan ng Samar, noong Lunes ng hapon, 13 Oktubre.
Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Denny Casaljay, 32 anyos, tanod ng Barangay Cagbayacao, sa lungsod ng Calbayog; at Orlando Layong, Jr., 30 anyos, mula sa Barangay Naga, sa parehong lungsod, na binawian ng buhay habang nasa biyahe patungong Calbayog District Hospital.
Tinamaan si Casaljay ng bala ng baril sa kaniyang ulo habang tinamaan si Layong sa kaniyang tiyan at kanang siko.
Samantala, kinilala ang mga sugatan na sina Conrado Calagos, chairman ng Barangay Cagbayacao; Gino Calagos; Benedicto Dacarra; Ariel Magbutay; at Ronnie Calagos.
Sakay ang mga biktima ng apat na motorsiklo nang tambangan ng mga suspek at pagbabarilin nang makailang ulit.
Kinilala ng mga biktima kalaunan ang mga tumakas na suspek na sina Alfredo Mañas, chairman ng Barangay Bahay; Edito at Eddie Ampoan; Nelson Cailo; Jojo Burdado; Ikpod; at limang iba na hindi pa napapangalanan.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang 26 basyo ng bala ng 5.56 mm; isang basyo ng bala ng kalibre .45 baril; at dalawang basyo ng bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.
Ayon kay P/Capt. Reynaldo Rollo, hepe ng Sta. Margarita police, patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente upang matukoy ang motibo sa likod ng pananambang at pamamaslang.