‘BINIGYAN’ ng Manila Regional Trial Court (RTC) ng 3-araw ang aktibistang si Reina Mae Nasino upang makadalo sa burol at libing ng kanyang anak na si baby River.
Pinayagan ni Manila RTC Branch 47 Judge Paulino Gallegos kahapon ng umaga, 13 Oktubre, ang “motion for furlough” ni Reina Mae.
Si Gallegos ang bagong itinalagang hukom para sa kasong illegal posession of firearms and explosives case, matapos mag-inhibit ang orihinal na judge.
Ang pinayagang pagdalo ni Nasino sa burol at paglilibing ng anak ay magsisimula ngayong araw, Miyerkoles, 14 Oktubre, hanggang sa Biyernes, 16 Oktubre.
Sinabi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), pinakamahabang oras o mga araw ito na naipagkaloob sa isang political prisoner.
Ngunit agad sumulat ang Manila City Jail Female Dormitory kay Judge Gallegos para hilingin na paikliin ang ‘furlough’ ni Nasino, dahil sa kakulangan nila ng mga tauhan na maaaring magbantay sa aktibista.
Sa liham ni Jail Chief Inspector Maria Ignacia Monteron kay Gallegos, hiniling niyang gawing
dalawang araw ang ‘furlough’ sa limitadong oras na 8:00 am – 3:00 pm para sa 14 Oktubre, at dumalo sa libing sa Manila North Cemetery on 16 Oktubre.
Sinabi rin ni Monteron, batay sa jail manual, si Nasino ay bawal sumama sa funeral procession, at siya ay hindi papayagang mamalagi nang tatlong oras sa burol ng anak.