ISANG Swiss national na may dugong Pinoy ang pinasumpa kamakailan sa Vatican para mapabilang sa iginagalang na Pontifical Swiss Guard — ang elite military unit na inatasang magbantay bilang security ng Santo Papa.
Napabilang ang 22-anyos na si Vincent Lüthi bilang isa sa 38 bagong miyembro ng tagapagbantay kay Pope Francis nitong Linggo, 4 Oktubre 2020.
Ayon sa ulat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), nag-iisang supling si Lüthi ng kanyang amang Swiss at inang Pinay na nagmula sa Santa Fe sa Bantayan Island, Cebu.
Inisyal na itinakda ang panunumpa ni Lüthi noong buwan ng Mayo ngunit naantala at ipinagpaliban ngayong Oktubre sanhi ng mga restriksyon bilang proteksiyon laban sa CoVid-19 na ipinapatupad sa Vatican City.
Itinatag ang Pontifical Swiss Guard noong 1506 na may tungkuling protektahan ang Vatican, ang Apostolic Palace, at ang Santo Papa.
Para makasama sa hanay ng Swiss Guards, kinakailangang ang recruit ay isang Swiss male na walang asawa, isang Katoliko at isa ring ‘topnotch’ —na nagkumpleto ng pagsasanay sa Swiss Armed Forces, ayon sa CBCP.
Ang Pontifical Swiss Guard (na kilala din bilang Papal Swiss Guard or ang Pontificia Cohors Helvetica) ay minor armed force at honour guard unit na minamantina ng Holy See para proteksiyonan ang Papa at Apostolic Palace habang naninilbihan bilang de facto military ng Vatican City.
Itinatatag sa ilalim ni Papa Julio II, ito ay isa sa pinakamatandang military unit na nagpapatuloy ang operasyon.
Nagsusuot ang mga miyembro nito ng unipormeng kulay asul, pula, orange at dilaw na idinisenyo sa Renaissance armor. May bahagi ito bilang bodyguard ng Papa at armado ng mga tradisyonal na sandata, tulad ng halberd, at gayondin ang mga modernong armas.
Simula noong nabigong pagtatangka sa buhay ni Papa Juan Pablo II noong 1981, inatasan na rin ang Swiss Guard ng mga non-ceremonial role at pinagsanay na rin sa unarmed combat at small weapons.
Tinutulungan din sila sa kanilang tungkulin ng Corps og Gendarme ng Vatican City. (Kinalap ni TRACY CABRERA)