NADAKIP ang isang tulak ng shabu na itinuturong suspek sa pagpaslang ng isang kahera sa isang Korean store sa isinagawang anti-narcotics operation ng Lubao PNP-DEU, noong Lunes, 11:50 am, 28 Setyembre, sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia ang suspek na si Joemel Vargas, 27 anyos, binata, kabilang sa drugs watchlist, mula sa naturang bayan.
Nasamsam sa suspek ang 10 sachet ng hinihinalang shabu, marked money at cellphone na pag-aari ng kaherang biktima sa karumal-dumal na pagpatay.
Batay sa pahayag ni P/Lt. Col. Michael Jhon Riego, hepe ng Lubao Municipal Police Station, sa una palang ay malakas na ang kanilang hinala sa suspek bagaman hindi pa malinaw ang unang kuha ng CCTV.
Nakompirma ito nang binalikan ng suspek ang crime scene at sapol sa mga CCTV camera na kaniyang naraanan sakay ng bisikleta at aninag ang kaniyang mukha kahit suot ang facemask.
Sa ulat sa pulisya, natagpuang duguan at wala nang buhay makaraang pagnakawan at patayin ang isang kahera habang nag-iisa sa loob ng kaniyang pinagtatrabahuang tindahan na pag-aari ng isang Korean national, noong nakaraang Huwebes ng hapon, 24 Setyembre, sa nabanggit na bayan.
Ayon kay P/SMSgt. Avelino Agumboy, chief investigator ng kaso, binawian ng buhay ang biktimang kinilalang si Danica dela Cruz, 25 anyos, dalaga, kahera ng Du Hyeongie Korean Store.
Sa pagsiyasat ng mga awtoridad, pumasok ang isang tricycle driver sa tindahan dakong 1:30 pm noong 24 Setyembre, upang bumili ng pagkain, ngunit tumambad ang nakahandusay na katawan ng duguang biktima at may tama ng saksak sa katawan.
Agad humingi ng tulong at mabilis na naitakbo sa pinakamalapit na pagamutan ngunit patay na ang biktima nang makarating sa ospital sanhi ng 17 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Pinaniniwalaang pagnanakaw ang motibo ng krimen ayon kay Agumboy dahil sa pagkawala ng hindi pa matukoy na halaga ng pinagbentahan at ng cellphone ng biktima na tangay ng tumakas na suspek.
Dagdag ni Agumboy, dakong 2:50 pm noong Huwebes nang ireport sa kanilang himpilan ang nasabing insidente na agad nilang nirespondehan. (RAUL SUSCANO)