ni ROSE NOVENARIO
KOMBINSIDO ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa likod ng no election (no-el) scenario na ipinanukala ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo.
“Kumpas ni Duterte ‘yang pagpapanukala ng ‘no-el’ nang ‘mabigyang-matwid’ ang kahibangan at kauhawan niya sa estado poder. Mula sa nakubra niyang mga proyekto sa Tsina noong umpisa pa lang, ngayon ay tuwang-tuwa siyang nagpapakasasa sa kaban ng bayan na ninanakawan niya sa gitna ng pandemya,” sabi ni Jerome Adonis, KMU secretary general, sa isang kalatas.
Giit niya, ‘constitutional right’ ng mamamayan ang pagdaraos ng halalan at paglahok sa pagpili sa susunod na mga pinuno ng bansa.
“May ia-adjust talaga dahil sa pandemya. Pero kung simpleng ‘no-el’ ang mangyayari, kailangang pakialaman ang konstitusyon sa pamamagitan ng ChaCha. Malaya nilang maipapasok lahat ng gusto nilang ilagay sa bagong konstitusyon para lalo pang makinabang ang mga kroni at dayuhan. Hindi taumbayan ang makikinabang kung walang eleksiyon,” wika ni Adonis.
Pakana umano ng administrasyon ang taktikang ‘no-el’ upang pagtakpan at lumusot sa pananagutan sa mga mamamayan sa kapalpakan sa panahon ng pandemya.
“Walang silbi sa mamamayan ang mga patakaran ni Duterte mula pa noon at hanggang ngayon. Kasuka-suka na ginagamit ang pandemya para isulong ang mga hakbang na nagpapalawig sa kapangyarihan ni Duterte at ng kanyang ‘utak-pulburang gang.’ Muhing-muhi ang mamamayan sa kabulukan nila. Walang maniniwala sa pakana nilang ito,” dagdag ni Adonis.
“Pinatunayan ng kasaysayan nang binaboy ni Marcos ang eleksiyon at ipinagkait ito sa mamamayan, naghanap ang bayan ng ibang paraan para mapalitan siya. Gaya kay Marcos, kating-kati na ang mga Filipino para palitan si Duterte – at gagawin nila ito, sa pamamagitan man ng eleksiyon o ibang paraan,” babala ng KMU kay Pangulong Duterte kapag ipinilit ang ‘no-el’ sa 2022.