SA GITNA ng mga batikos kay Pangulong Duterte sa pagtugon nito sa pandemyang dulot ng CoVid-19, nagpasaring si dating House Speaker Pantaleon Alvarez na kinakailang magkaroon ang bansa ng presidente na may utak at hindi lamang puro tapang.
Ito, umano, ang sinabi ng dating speaker sa kanyang radio program sa Davao del Norte.
“Una, kining kinahanglan mupili ta presidente nga kahibalo muhandle imong CoVid. Kanang presidente nga utok (sabay turo sa kukute), utok, di lang paisog-isog,” ani Alvarez.
Sa wikang tagalog, ang ibig sabihin nito ay “pumili ng may utak na pangulo at hindi lang puro tapang.”
Ang problema, aniya, sa CoVid ay hindi matatapos sa kasalukuyang administrasyon at aabot pa sa susunod na presidente.
Palpak, aniya, ang ginagawang pagtugon ng pamahalaang Duterte upang sugpuin ang paglaganap ng CoVid-19.
“Let’s admit it. The handling of the COVID pandemic in the entire Philippines is a failure.”
“So there’s a problem, something is wrong in handling the problem,” dagdag ni Alvarez.
Si Alvarez, na kaibigan ng pangulo, ang unang Speaker ng Kamara sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Pinatalsik umano sa udyok sa mga kongresista ni Davao Mayor Sara Duterte na ikudeta bago ang State of the Nation Address ni Duterte noong 2018.
At ipinalit si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo. (GERRY BALDO)