ni ROSE NOVENARIO
MULING pinatunayan ng Land Transportation Office (LTO) ang bansag sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 State of the Nation Address (SONA) bilang isa sa pinaka-corrupt na ahensiya ng pamahalaan.
Batay sa mga dokumentong nakalap ng HATAW mula sa isang reliable source, kuwestiyonable ang pagbibigay ng LTO sa mahigit P1-bilyong kontrata ng plaka at RFID stickers na pinaboran umano ng kompanyang Trojan Computer Forms Manufacturing Corp., at J.H. Tonnjes E.A.S.T. GmbH & Co. KG .
Naganap umano ang pagmamaniobra sa mga kontrata habang abala ang buong mundo sa kampanya kontra CoVid-19.
Ang motorsiklo ang pangunahing ginagamit sa paghahanapbuhay ngayong CoVid-19 pandemic at kasama sa ibinayad sa rehistro nito ang plaka, RFID sticker at insurance.
Napag-alaman na lahat ng specifications na nakasaad sa terms of reference (TOR) sa mga proyekto ng LTO na may kinalaman sa plaka ay “tailor-fit” sa kapabilidad ng Trojan gaya ng dapat na kasama ang digsig sa talaang gawa mismo ng Tonnjes, agarang tugma sa kasalukuyang sistema ng LTO na gawa rin ng Tonnjes, paghingi ng iba’t ibang resulta ng pagsusuri na hindi agad matatapos ng ibang gustong lumahok sa nagmamadaling iskedyul ng bidding, upang maetsapuwera ang ibang kompanya na nais lumahok rito.
Inihalimbawa ng source ang P578,888,000 milyong “Procurement of Motorcycle blank plates, motorcycle RFID stickers, Hot stamping foil and thermal transfer ribbon for CY 2019.”
Isa rin umano sa minadyik ng Trojan ang P518,368,888.08 para naman sa “Procurement of Motorcycle Blank Plates and Motorcycle RFID Stickers” noong 2018.
Iginiit ng source na ang nasabing kontrata ay naunang ipinagkaloob sa isang kompanya na nanalo sa bid sa halagang P403,326,000.00 lamang.
Ngunit matapos ang pitong buwan mula nang ibigay ang notice of award sa lowest bidder na may kontrata na at may hawak ng notice to proceed, biglang binawi ang kontrata para ibigay muli sa Trojan/Tonnjes kahit mas mataas ng P115,042,888.08 ang kanilang bid.
Base sa ulat, noong Abril 2018 ay pinasinayaan ng Department of Transportation (DOTr) officials ang plate-making plant sa LTO Central Office sa Quezon City at ang Trojan/Tonnjes ang nag-supply ng plate-making machines sa ahensya sa layuning makagawa ng 22,000 plaka kada araw.
Ibig sabihin, anang source, kontrolado ng Trojan/ Tonnjes ang “order management system (OMS)” kasama rito ang digital signature at iba pang security features sa paggawa ng plaka.
“Kaya hindi dapat pinapayagan na lumahok sa bidding sa mga proyektong may kaugnayan sa plaka ang Trojan/Tonnjes dahil siguradong dehado ang mga kalaban. Maliwanag na conflict of interests ito,” giit ng source.
Bukas ay may isasagawa na namang pre-bid ang LTO para sa P578,452,307 proyekto sa pagmanupaktura ng plaka at RFID stickers para sa taong 2020 at nakalagay sa TOR ng bid documents na “Procurement of Motorcycle Blank Plates, RFID Stickers, Hot-Stamping Foil, Thermal Transfer Ribbon, Carton Boxes and Plastic Bags for CY 2020.”
May milagro na naman kayang magaganap?
(MAY KASUNOD)