KOMPIRMADONG positibo sa CoVid-19 ang may kabuuang 232 kadete at 11 tauhan ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Ipinahayag ni PNPA director P/Maj. Gen. Gilberto Cruz nitong Lunes, 14 Setyembre, na mahipit na binabantayan ng health frontliners ang kalagayan ng mga pasyenteng kadete at mga tauhan na naka-quarantine sa iba’t ibang pasilidad.
Ayon kay Cruz, nakapagtayo ang PNPA ng limang isolation facilities na may kompletong amenities, pagkain, at medical supplies, na magsisilbing quarantine rooms para sa mga kadete at mga tauhang nahawaan ng CoVid-19.
Ani Lt. Col. Byron Allatog, tagapagsalita ng PNPA, pawang asymptomatic ang mga pasyente sa loob ng akademiya.
Dagdag ni Allatog, galing ang mga nagpositibong test result mula sa 1,406 sample para sa RT–PCR na naunang kinolekta mula sa mga kadete at mga tauhan.
Isang linggo matapos siyang maupo bilang direktor ng PNPA, tiniyak ni Cruz na magpairal agad sila ng kaukulang protocol sa Cadet Corps upang mapigilan ang posibilidad ng pagkalat ng CoVid-19.
Kabilang si Cruz sa top-level revamp ng mga opisyal ng PNP kaugnay sa kautusan ni Gen. Camilo Cascolan, isang araw matapos siyang umupo sa pinakamataas na police post.
Dagdag ni Cruz, nagpamahagi sila ng mag kabuuang 16,000 face masks, 1,100 carry-on canisters, at alcohol sa mga kadete bilang preventive measure laban sa pagkalat ng CoVid-19 sa loob ng PNPA.
Nakatanggap ang mga kadete ng 11,000 kapsula ng Vitamin C habang nasa 14-araw na quarantine.
Samantala, tinanggap ng PNPA ang 10,000 face masks at 1,000 face shields mula sa Public Safety Alliance for Transformation and Rule of Law party-list para sa kanilang mga kadete.
Dagdag na donasyon sa PNPA ang mga laboratory gown, 15 thermal scanner, dalawang oxygen tanks, at mga gamot mula sa iba pang stakeholders.
Samantala, isinailalim ang PNPA sa lockdown mula 3 hanggang 18 Setyembre matapos makompirma ang mga kaso ng CoVid-19 dito.