NAHULI ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), ang 68-anyos lalaki na nagpapanggap na Enforcement Officer ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagtangkang manghingi ng P25,000 sa isang negosyante para sa kanyang BIR Clearance Certification, nitong Lunes ng hapon sa Binondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Vicente Alberto, nakatira sa 234 D, 5th Avenue, Grace Park, Caloocan City.
Nakompiska kay Alberto ang pekeng BIR ID na nakalagay ang pangalan na Mr. Vicente A. Alberto at may posisyon na Revenue Enforcement Officer III, at iba’t ibang pekeng Mission Order/Clearance mula sa BIR.
Nag-ugat ang pag-aresto sa suspek nang magreklamo ang biktimang si Adonis Tan, 57, negosyante at may-ari ng PENCO Inc., na matatagpuan sa 474 Elcano St., San Nicolas, Binondo, Maynila.
Sa reklamo ng biktima, nagpunta ang suspek sa kanyang establisimiyento at nagpakilalang Revenue Officer ng BIR at hinanapan siya ng BIR Clearance Certification. Nang walang maipakita, hiningian siya ng P25,000 para sa BIR Clearance Certification.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Art. 177 of RPC (Usurpation of Authority), Art. 172 of RPC (Falsification by a private individual at Use of Falsified Documents) at Art. 315 RPC (Estafa/Swindling) sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek.