KINUWESTIYON ng Commission on Audit (COA) ang iba’t ibang teknikalidad sa konstruksiyon ng Kaliwa Dam project, kabilang ang umano’y kaduda-dudang pagsang-ayon ng mga katutubo at indigenous people sa lalawigan ng Quezon.
Sa kalalabas na 2019 annual audit report para sa MWSS, kinuwestiyon ng COA ang pag-iisyu ng Metropoitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng notice to proceed (NTP) para sa detailed engineering, design at konstruksiyon ng proyekto na iginawad sa China Energy Engineer Company Inc.
“The expropriation of lots particularly for the right of way affected by Kaliwa Dam Project is still pending, hence considered a ground for the termination of the
contract under Section 17.6 of the Revised Implementing Rules and Regulations of the Republic Act 9184 also known as the Government Procurement Reform Law,” pahayag ng COA.
Pinuna ng mga state auditor na dahil ang kontrata sa pagitan ng MWSS at ng CEEC ay hindi saklaw ng anomang tratado, kailangang manaig ang mga probisyon ng RA 9184.
Alinsunod sa RA 9184, ang NTP ay kinakailangang ipalabas pitong araw mula sa petsa ng pag-aproba sa kontrata at matapos itong tanggapin ng contractor na itinuturing na nakasunod sa lahat ng rekisito na itinatakda sa ilalim ng loan agreement.
Ang sinasabing commercial contract ay itinuturing na walang bisa sa kadahilanang hindi nasunod ang mga rekisito.
Samantala, ang mga kondisyon para sa pag-iisyu ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ay hindi pa nasusunod kaya hindi maipatupad ang proyekto.
Kabilang sa mga kondisyon ng ECC ang pag-isyu ng Certificate of Precondition matapos ang Free and Prior Informed Consent (FPIC) mula sa mga katutubo at indigenous people na mawawalan ng tirahan at labis na maaapektohan ng proyekto sa mga lalawigan ng Rizal at Quezon.
“The Resolution ng Pagpayag (RP), allegedly executed by the members of the tribal groups/indigenous people’s (IPs) living within the MWSS Kaliwa Dam project site, is a requirement for the Free and Prior Informed Consent (FPIC) and a condition precedent to the issuance of the ECC, is not compliant with the guidelines under NCIP Administrative Order No. 3, s, 2012,” ayon sa COA.
“Hence, (this) renders the project proponent non-compliant with the CC, and thus affects the effectivity of the Loan Agreement and the Commercial Contract,” anang state auditors.
Napuna rin ng mga COA examiner na hindi binanggit sa RP na inisyu ng Dumagat/Remontado tribe ng General Nakar, Quezon ang mga pangalan ng tribal leaders at elders na magpapatotoo sa pagkakakilanlan ng IP members na pumirma sa resolution.
Kinuwestiyon din ng mga auditor ang hindi pagtugma sa petsa na nilagdaan ang mga dokumento at ang kawalan ng notaryo.
Binigyang-diin din ng mga auditor na ang “dubious/questionable character of the consent of the IP members” ay nasuportahan sa isang Senate hearing noong 22 Enero 2020, nang kuwestiyonin ng ilang stakeholders at tribal groups ang pagiging lehitimo ng mga sinasabing kumatawan sa kanila sa dokumento.
“Within these groups include residents who argued that they were neither consulted nor informed on the implementation of the project,” sabi ng COA.
Inatasan ng COA ang MWSS na bumuo ng balido at nararapat na resolution of consent na alinsunod sa mga hinihingi ng National Commission for Indigenous Peoples.
Bilang reaksiyon, sinabi ng MWSS na ang pag-isyu ng FPIC mula sa mga apektadong indibidwal ay napigilan ng mga protesta ng iba’t ibang interest groups.
Sinabi ng mga auditor na ang pagkabigo ng MWSS na i-expropriate ang mga lote para sa right of way ay itinuturing na batayan para tapusin ang kontrata sa ilalim ng bagong batas.
“The pending status of the right of way acquisitions and court proceedings for the expropriation of lots to be utilized for the dam site, treatment plants, tunnel conveyance outlet, access roads and other permanent structures can adversely affect the duration of the project,” ayon sa COA.
Ipinaliwanag ng MWSS na naantala ang expropriation proceedings dahil sa community quarantine dulot ng CoVid-19 pandemic.