AYON kay House Speaker Alan Peter Cayetano ‘malabo’ nang matuloy ang kasunduan nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na paghatian ang liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“We don’t really know what will happen in the future,” ani Cayetano sa interbyu sa radio DZBB.
Paliwanag ni Cayetano kung sakaking matuloy ang palitan, siya at isang chairman ng isang komite lamang ang mapapalitan.
“Usap-usapan naman kasi roon kung magpapalitan (kami) it’s only the Speaker and baka isang committee (chairman) lang, and everyone else will stay,” pahayag ni Cayetano.
Aniya, magkakaroon ng caucus at pag-uusapan pa niya at ni Pangulong Duterte kung matutuloy.
“So we don’t really know what will happen in the future at magkakaroon pa ng caucus ‘yan at pag-uusap sa ating Pangulo. But I’d rather right now really focus din sa (national) budget,” ani Cayetano.
Ayon sa sources sa kamara, ginagawa ni Cayetano ang lahat para manatili siya sa puwesto.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na may personal commitment siya sa Pangulo bilang head ng koalisyon.
“Maghihintay ako ng advice niya sa tamang oras. Wala naman pong nagbabago sa aming mga napag-usapan.”
Ang kasunduan ni Cayetano at Velasco na inayos ni Pangulong Duterte sa pagbubukas ng Ika-18 Kongreso ay uupong speaker si Cayetano sa unang 25 buwan at si Velasco naman ang natitirang 21 na buwan.
Si Velasco, ang pinuno ng partido (Partido Demokratikong Pilipino – Laban) ni Pangulong Duterte at matalik na kaibigan ng anak ng pangulong si Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa naturang interbyu, iginiit ni Cayetano na matatapps ang kanyang termino sa huling araw ng Oktubre. Taliwas ito sa kaisipan ng kampo ni Velasco.
“There are major reforms na kailangan nating gawin. But let me assure everyone na kung anuman ang mangyari sa House, kung sino man ang lider sa House, napakarami pong magagaling na congresswomen and congressmen; ‘yung sistema namin, ‘yung professional secretariat napakagaling,” dagdag ni Cayetano.
“Hindi talaga nag-break ang House of Representatives, nakatutok talaga kami sa CoVid-19. It’s not perfect, we have to do so much more. Iyan po ang gagawin namin during this September and October. ‘Yung budget muna ang tututukan namin,” aniya.
Sa inilabas na calendar para “second regular session,” nakalagay doon na magkakaroon ng bakasyon ang mga kongresista mula Oktubre 17 hangang Nobyembre 15. Walang sesyon sa mga panahong ito.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na bago maging speaker si Velasco, pagbobotohan sila ng mga miyembro ng Kamara.
Si Cayetano ay naging speaker dahil sa utos ng pangulo na iboto siya ng mga kongresista noong Hulyo 2019.
Sa pananalita ni Cayetano, kung sino man ang mananawagan para sa pagpapalit ng liderato ay ituturing na “out of order” dahil hindi pa, umano, tapos ang termino ni Cayetano. (GERRY BALDO)