INIIMBESTIGAHAN ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga alegasyon na minaltrato ng ilang sundalo ang mga miyembro ng komunidad ng Aeta at pinakain ng dumi ng tao.
Inihayag ng CHR ang pagkabahala sa isang kalatas kahapon.
Iniulat ng grupong Umahon para sa Repormang Agraryo sa CHR kamakalawa na ilang kagawad ng 7th Infantry Division ng Philippine Army sa San Marcelino, Zambales na trinatong masahol pa sa hayop ang ilang Aeta.
Ilan umano sa miyembro ng Aeta community ay binugbog at ikinulong habang ang isa’y pinakain ng dumi ng tao.
Naganap umano ito matapos lumikas ang 659 pamilya bunsod ng pambobomba sa kanilang lugar para bigyan daan ang pagmimina ng Dizon Copper-Silver Mines, Inc., na mahigpit na tinututulan ng mga katutubo.
“The commission for its part, in conjunction with the ongoing military investigation, will be conducting its own separate investigation through its regional office to ensure impartiality and attain the truth in these allegations,” ayon kay CHR spokesperson Jacqueline De Guia.
Bagama’t itinanggi ng militar ang bintang sa 7th ID nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.
May naganap umanong enkuwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) noong nakaraang 21 Agosto at may mga nadakip umano silang mga rebelde, batay sa panayam ng programang “Unang Hirit” sa GMA-7 kay Maj. Amado Gutierrez, public affairs office chief ng 7th ID. (ROSE NOVENARIO)