LABIS na nadesmaya at tinawag na hindi makatao ni Pampanga governor Dennis Pineda ang mga opisyal ng barangay mula sa mga bayan ng Porac at Guagua dahil sa paglalagay ng barikada sa mga bahay ng mga pasyente ng CoVid-19 sa kani-kanilang barangay.
Ayon sa mga ulat, ini-lockdown ng mga opisyal sa isang barangay ang dalawang hinihinalang positibo sa CoVid-19 maging ang kanilang mga kaanak sa pamamagitan ng paglalagay ng mga harang na yero sa kanilang bahay.
Hindi pinangalanan ni Pineda ang mga barangay kung saan naganap ang sinasabing diskriminasyon ngunit hinimok niya ang mga residente na isumbong ang mga hindi makataong pagtrato sa mga pasyente ng CoVid-19.
Nabatid na itinayo umano ang mga barikada upang huwag makalabas ng kanilang mga bahay ang mga pasyente.
Sinabi ng mga opisyal ng barangay na hinarangan nila ang bahay ng mga pasyente dahil lumalabas at nakikisalamuha sila sa iba pang mga tao.
Pahayag ni Pineda, walang katuwiran ang ginawa ng mga opisyal kahit pa hindi kasama sa ordinansa ng lalawigan na nagbabawal sa diskriminasyon ng health worker.
Hinimok ni Pineda ang mga lider ng mga barangay na maging mas mapagpasensiya sa panahon ng pandemya.
Ani Pineda, sapat nang naka-isolate ang mga pasyente at mga kaanak na pinagbawalan na rin lumabas ng kanilang mga bahay.