SINAKLOT ng takot at pag-aalala ang mga residenteng nakatira sa Old Albay District dahil sa isang briefcase na naiwan sa tabi ng poste ng koryente at inakalang may lamang bomba noong Lunes ng umaga, 31 Agosto, sa lungsod ng Legazpi, lalawigan ng Albay.
Ayon kay P/Lt. Col. Alwind Gamboa, hepe ng Legazpi city police, natagpuan ang briefcase sa harap ng Calderon Building, sa tabi ng isang poste ng koryente sa Barangay Cruzada, sa naturang lungsod.
Agad nagresponde ang bomb squad unit ng lokal na pulisya at ipinakompirma sa isang K9 bomb-sniffing dog kung may lamang bomba ang bag dakong 9:15 am, kaya nabatid na ang laman ng briefcase ay ilang set ng mga kutsara at tinidor.
Sa imbestigasyon, nabatid na naiwan ang briefcase sa labas ng gate dakong 1:10 am ng isang kinilalang si Paul Beltran, 25 anyos, driver ni Noel Andres Perdigon, Senior Vice President ng Insular Life.
Pangunahing kalsada sa lungsod ang Capt. Fermin Aquende Drive, dating Washington Drive, na ilang metro lamang ang layo mula sa Legazpi Domestic Airport, isang paaralang Katoliko, mga hotel, pagamutan, at mga subdibisyon.
Dahil sa bomb scare, nagtayo ang pulisya ng mga barikada at nagtalaga ng mga kagawad nila upang makontrol ang paggalaw ng mga tao na nagdulot ng masikip na trapiko sa lugar.