INAKO ng mga militanteng Islamic State ang dalawang insidente ng malakas na pagsabog na kumitil sa buhay ng 15 katao at nag-iwan ng higit sa 75 sugatan na karamihan ay sibilyan, sa bayan ng Jolo, lalawigan ng Sulu, noong Lunes, 24 Agosto.
Hindi kalaunan matapos ang mga pagsabog na naunang itinurong kasalanan ng Abu Sayaff, iniulat ng SITE Intelligence, isang grupo sa USA na nagbabantay sa mga komunikasyon ng mga militanteng grupong Muslim online, na naglabas ng pahayag ang IS East Asia province na inaako ang responsibilidad sa dalawang pag-atake sa Jolo.
Sinabi rin ng SITE na nagdiriwang ang mga tagasuporta ng IS sa buong mundo dahil sa mga namatay at mga sugatan na resulta ng kanilang pambobomba.
Nabatid na isa sa mga namatay sa insidente ay suicide bomber na nagpasabog ng pangalawang bomba isang oras matapos ang naunang pagsabog.
Ayon ay Rommel Banlaoi, pinuno ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, isang Indonesian national ang babaeng suicide bomber, na hinihinalang anak ng suicide bomber na salarin sa pambobomba ng Jolo Cathedral noong isang taon.