AMINADO ang isang influential leaders group mula sa Iloilo City na naging malaking salik sa mabagal noon na pag-angat ng ekonomiya ng siyudad ang malaking problema sa kawalan ng stable na supply ng koryente sa loob ng maraming taon sa ilalim ng pangangasiwa ng dating Distribution Utility (DU) na Panay Electric Company(PECO).
Ayon sa Iloilo Economic Development Foundation (ILEDF), isang grupo ng mga negosyante mula sa government at private sector, bagamat nagkaroon ng improvements ang PECO sa kanilang distribution system para mapabuti ang serbisyo sa pagitan ng taong 2010 hanggang 2016 ay hindi naman ito nakasapat at nakatugon sa malaking demand sa koryente na ng lalawigan.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit maraming investors ang tumalikod sa Iloilo City at tumangging mamuhunan noon.
“Thou PECO initiated some improvements but still it’s not enough, it’s still not at par with the standards and requirements set to attract investment,” paliwanag ni ILEDF President Francis Gentoral.
Aniya, isa ang pagkakaroon ng maayos na utilities sa sukatan ng investors bago mamuhunan, kaya naman kompiyansa sila sa takeover ng More Electric and Power Corp (More Power) sa PECO dahil na rin sa target nilang magkaroon ng world class electricity service sa Iloilo City.
Giit ni Gentoral, ito ang kanilang hinihintay dahil ito ang magbibigay daan para magbukas ng bagong investments na tutulong sa tuloy-tuloy na pang-angat ng ekonomiya ng lalawigan.
Hinikayat ni Gentoral ang mga Ilonggo na suportahan ang More Power dahil nakikita nila ang mga pagbabagong ipinatutupad nito sa kabuuan ng power system ng Iloilo City, pangunahin ang paglalagak ng malaking puhunan na aabot sa P1.8 bilyon para sa modernization program.
Kompara umano sa PECO, ang More Power bilang power supplier, ay may financial capability at investments para sa infrastructure, systems technology, at human resources na kailangan ng Iloilo City bilang isang fast-growing Metropolis.
Kaugnay ng nakabinbing petisyon ng PECO sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa legalidad ng takeover ng More Power, sinabi ni Gentoral na umaasa silang hindi na hahadlangan ng dating distribution utility ang pag-unlad ng Iloilo City.
“ILEDF calls for unity in the face of the global health crisis and for PECO to accept the thing it can no longer change in order for the whole of Iloilo City to move forward and level up as envisioned by the city government,” pahayag ni Gentoral.
Naniniwala ang ILEDF na dapat nang tanggapin ng PECO ang naging pasya ng power consumers na palitan sila sa Iloilo City.