PATAY ang siyam na sundalo at anim na sibilyan, habang 75 katao ang sugatan nang yanigin ng dalawang pagsabog ang plaza ng bayan ng Jolo, sa lalawigan ng Sulo, kahapon Lunes, 24 Agosto.
Sa ulat ng militar, namatay ang isang hinihinalang babaeng suicide bomber noong pangalawang pagsabog, nguit hindi pa malinaw kung isa siya sa anim na civilian casuaties.
Ayon kay Lt. Col. Ronaldo Mateo ng 11th Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang unang insidente sa harap ng isang tindahan ng pagkain sa Serantes St., Barangay Walled City sa Plaza Rizal, na isang nakaparadang motorsiklo ang sumabog malapit sa M35 vehicle ng 21st Infantry Battalion.
Ayon kay Maj. Gen. Corleto Vinluan Jr., hepe Western Mindanao Command ng Philippine Army, isang IED (improvised explosive device) na nakatanim sa motorsiklo ang unang pagsabog.
Habang kinokordonan ng mga awtoridad ang lugar ng insidente, naganap ang ikalawang pagsabog sa harap ng isang banko, 100 metro ang layo sa tindahan ng pagkain at 10 hanggang 15 metro ang layo sa Jolo Municipal Police station.
Sa impormasyon mula sa pamahalaang panlalawigan ng Sulu, namatay ang siyam na sundalo at anim na sibilyan, habang 48 sibilyan, 21 sundalo at anim na pulis ang sugatan.
Dagdag ni Vinluan, pumanaw sa ikalawang pagsabog ang babaeng hinihinalang suicide bomber na may dalang IED na nagtangkang pumasok sa kinordonang lugar ngunit pinigilan ng isang sundalong binawian din ng buhay.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na Abu Sayyaf Group (ASG) ang maaaring responsable sa mga pagsabog dahil walang ibang aktibong teroristang grupong maliban sa kanila sa nasabing lalawigan.
Ani Vinluan, tinutugis ng military ang suspek na si Mundi Sawadjaan, isang lider ng ASG, at nasa likod din ng magkasunod na pagsabog sa Jolo Cathedral noong isang taon na 20 katao ang namatay.
Matatandaang lagpas isang linggo ang nakalipas, isa pang lider ng ASG na si Anduljihad “Idang” Susukan ang isinuko ni Moro National Liberation Front (MNLF) leader Nur Misuari sa mga awtoridad sa lungsod ng Davao.
Tinitingnan ng militar kung may kaugnayan ang insidente ng pagsabog kahapon sa pagkakadakip kay Idang Susukan.
Samantala, ipinag-utos ni Gen. Archie Gamboa, hepe ng Philippine National Police, sa Bangsamoro regional police na simulan na ang imbestigasyon at panagutin sa batas ang lahat ng salarin sa karumaldumal na krimen.
Nananatili sa “high alert” ang 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu dahil sa insidente.
Isinailalim sa lockdown ang buong bayan ng Jolo para sa kaligtasan at seguridad ng mga residente, at idineklara ng Philippine Coast Guard (PCG) ang “red alert” sa buong rehiyon ng southwestern Mindanao na sumasakop sa Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-tawi.
Samantala, kinondena ng Malacañang ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga kaanak at mahal sa buhay ng mga pumanaw dahil sa pagsabog.