KUNG ‘yung ibang mga artista ay aminadong nahihirapan na sa mga gastusin sa pang-araw-araw na pangangailangan at sa mga bayarin sa bills dahil walang trabahong pumapasok sanhi ng Covid-19 pandemic, sa kaso ni Ken Chan, making bagay na may sapat siyang ipon.
Kaya hindi siya gaanong nahirapan o apektado, kahit hindi gaanong karami ang trabahong pumapasok.
“Awa po ng Diyos, bago po dumating ‘yung pandemic, may mga proyekto po akong nagawa. At ako po kasi, matipid po kasi ako talaga na tao, eh. Hindi po ako mahilig sa mga bili-bili, sa mga gadget. Hindi ko po hilig ‘yan.
“So, awa ng Diyos, kahit paano nakapag-save po ako ng money for myself, for my whole family,” sabi ni Ken sa interview sa kanya ng Pep.ph.
Napagtanto ni Ken ang kahalagahan ng pag-iipon.
“Dito ko rin po na-realize na after this pandemic, na kapag matapos po lahat, dito po talaga masusubok na kailangan mo talaga ng matinding ipon. Kasi, naniniwala ako… na huwag naman sana, pero mangyayari’t mangyayari ‘to ulit. So, kailangan talaga, malaking-malaking lesson to sa lahat.”
Kaya malaki ang pasasalamat ni Ken sa yumao niyang manager na si German Moreno dahil ito ang nagturo sa kanyang magtipid.
“Ito po ‘yung natutuhan ko kay Tatay (tawag niya kay kuya Germs). Lagi niyang sinasabi sa akin na, ‘Mag-ipon ka. Kung kikita ka ng P10, kailangan mong gastusin lang ‘yung P2. ‘Yung walong piso, itago mo. At ginawa ko po ‘yun at nakatulong po sa akin ‘yun.”
MA at PA
ni Rommel Placente