NAG-VIRAL ang picture ni Eric Fructuoso na namamasada ng tricycle. Hinangaan nga siya ng netizens dahil hindi niya ikinahihiya na pasukin ang pamamasada.’Yun pala ay hindi totoo.
Sa ipinost na video ng aktor, ipinaliwanag niya ang tungkol sa larawan niyang nagda-drive ng tricycle. Nais niyang iparating ang mensahe na, ngayong pandemya, hindi kailangang ikahiya ang anumang trabaho basta’t marangal.
“Sa panahon kasi ngayon, hindi ka pwedeng maarte. Hindi pwedeng kaartehan ang pairalin. Basta pagkakakitaang legal, para sa pamilya, tirahin lang nang tirahin.
“Because I believe by example. Ibig sabihin, magiging good example tayo sa kapwa. Hindi natin ikahihiya pa kung ano ang ginagawa natin. Kasi may iba, nahihiya ang magbenta-benta, nahihiya sa pagde-deliver ng kung ano-ano. Huwag kayong mahihiya. At least, kikita, ‘di ba?
“At saka kailangan hangga’t hindi sila ang nagpapakain sa inyo, huwag niyo silang intindihin,” sabi ni Eric.
Paliwanag pa ng aktor, may ibang tao kasing minamaliit ang ibang trabaho, kagaya ng pagiging tricycle driver o janitor.
Sa huli, sinabi ni Eric na huwag ikahiya ang anumang trabaho hangga’t walang sinasagasaan, at ginagawa ito sa malinis na paraan.
Tama naman si Eric ‘di ba? Pero marami siyang napaniwala na namamasada talaga siya ng trycicle, huh!
MA at PA
ni Rommel Placente