TINAGURIAN man si Health Secretary Francisco Duque III bilang ‘Godfather’ ng mafia sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng whistleblower sa pagdinig sa Senado, may tiwala pa rin sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng mga panawagan na sibakin ang Health Secretary at pagkabulgar ng umano’y multi-bilyong anomalya sa PhilHealth na bahagi ng liderato si Duque sa nakalipas na dalawang dekada.
“He does because if he has ceased to have the President’s trust and confidence, then Secretary Duque would no longer be in office because all Cabinet members serve at the pleasure of the President,” ani Roque nang tanungin sa CNN kung may tiwala pa si Pangulong Duterte kay Duque.
Patuloy aniya ang imbestigasyon ng Senado at binuong task force ng Department of Justice (DOJ) sa anomalya sa PhilHealth.
“In any case, the ongoing investigation in the Senate is about PhilHealth and the President himself has created a task force to address the many issues,” pahayag ni Roque.
Bahala na aniya si Duque kung magsasagawa ng soul searching.
Sa Senate hearing, kamakalawa ay isiniwalat ni dating PhilHealth anti-fraud officer Thorrsson Montes Keith na si Duque ang godfather ng mafia sa PhilHealth bilang Interim Reimbursement Mechanism chairman, at may institutional knowledge siya pamamalakad sa ahensiya.
Si Duque rin aniya ang nag-aproba sa appointment ng executive officials na itinurong mga miyembro ng mafia. (ROSE NOVENARIO)