UUTANGIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bakuna laban sa CoVid-19 sa mga ‘kaibigan’ niyang sina Russian President Valdimir Putin at Chinese President Xi Jinping.
Nagpasalamat si Duterte sa China at Russia sa alok na unahin ang Filipinas sa pagkakalooban nila ng COVID-vaccine ngunit kung hindi abot-kaya ang presyo ay uutangin ng Filipinas at babayaran nang hulugan o installment basis.
“Bibilhin natin ‘yan. Kaya lang kung mahal, if it is quite expensive then I will ask the — my friend President Putin and President Xi Jinping to give us a credit, parang utang, a credit line but we will pay not in one payment but by installments. Basta ang sinasabi ko magbayad tayo. Hindi ito libre,” sabi ng Pangulo sa kanyang public address kamakalawa ng gabi.
“I cannot overemphasize my debt of gratitude. But remember that this is not for free, for after all, they did not develop the vaccine without great expense and also the human effort involved,” dagdag niya.
Lalahok ang Filipinas sa Phase 3 clinical trial ng Russia para sa Sputnik-V vaccine mula Oktubre 2020 hanggang Marso 2021 kasabay bf Moscow at popondohan ng Russian government .
May trials din na isinasagawa sa China, US at UK, mga bansang napaulat na nasa final stage na ng paggawa ng bakuna laban sa CoVid-19. (ROSE NOVENARIO)