NAGHAHANDA ngayon ang mga mambabatas na dagdagan pa ng mahigit P15 bilyon ang tulong para sa sektor ng turismo at iba pang industriyang nasalanta ng pandemyang CoVid-19 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One bill (Bayanihan 2).
Ang tourism industry na matagal nang dumaraing sa epekto ng pandemya ay maaaring makakuha ng pautang mula sa binabalak na mas pinalaki pang P56 bilyong pondo na idaraan sa mga banko ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP), ayon sa mga sources na kasama sa bumabalangkas ng pinal na bersiyon ng Bayanihan 2 sa bicameral conference committee ng Kongreso.
Mula ito sa dating P51 bilyon na inilaan ng Kamara para sa mga industriya at sektor na nalugi dahil sa krisis na dulot ng pandemya.
Bukas din para sa tourism industry ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na balak maglaan ang Kongreso ng P16-P20 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho sa iba’t ibang negosyo, kasama na ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Balak umano ng Kongreso para sa TUPAD program ay P3-P5 bilyon ang maaring mapunta para sa manggagawa ng tourism industry sa Bayanihan 2.
Ayon sa mga source, hindi uubra ang pinagpipilitan ng malalaking kompanya sa tourism sector na mabigyan sila ng pondo para lamang sa kanilang industriya dahil kung ganito ang mangyayari, inaasahan na pati ang iba pang industriya tulad ng construction, transport, aviation, manufacturing, at iba pang naapektohan ng pandemya ay hihingi na rin ng ganitong ayuda na exclusive para lang sa kanila.
Sa katunayan, ang Tourism Congress of the Philippines (TCP), sa pangunguna ni Jose Clemente III at maging si Tourism Secretary Berna Puyat ay pinipilit na maglatag ng P10 bilyong pondo para lamang sa kanilang sektor, bukod pa sa pondo na ilalaan sa LandBank at DBP para ipautang sa mga apektadong mga negosyo sa sektor ng transportation, turismo, at sa MSMEs.
“Marami sa mga mambabatas ang nagsasabing hindi pupuwede ang ganitong sistemang ipinagdiriinan ng big players sa industriya ng turismo at maging ni Secretary Puyat dahil mas mabuting ang mga bankong tulad ng LandBank at DBP na may sinusunod na mahigpit na panuntunan kung paano magbibigay ng pautang ang mas karapat-dapat na magpasya kung sino ba ang dapat tulungan,” ayon sa source.
“Dapat nating tandaan na hindi lang naman ang sektor ng turismo ang nasalanta ng pandemya. Maraming MSMEs ang naghihikahos ngayon na dapat din tulungan,” dagdag ng source.
Anang source, “ang mga nasa bicameral committee mula sa Kamara ay nanindigang kailangan pa rin ang infrastructure fund para sa turismo at naniniwalang tama sila sa puntong ngayon pa lang ay dapat nang gumastos para sa pagpapaunlad ng impraestruktura patungo sa iba’t ibang tourist destinations. Sinabing isa sa dahilan ng ating low visitor arrival ay dahil hindi kaaya-aya ang ating infra.”
Ilan sa mga mambabatas sa komite ang nagsabing ang infra projects ay hindi lamang makalikha ng mga bagong trabaho para sa tourism industry, kundi makapagpalago pa sa ekonomiya dahil sa bawat pisong gagastusin sa infrastructure ay 3.5 ang tinatayang “multiplier effect” nito.
Sa madaling salita, ang P10 bilyon na pondo dapat sa infra ay lalago hanggang P35 bilyon na maaaring magpasigla sa tourism industry at ekonomiya.
Sinabi rin ng mga mambabatas sa pulong ng komite, kahit mabigyan ng mga pautang ang malalaking resorts at hotels ay hind rin naman makakatulong dahil kahit pa makatawid na ang Filipinas sa new normal ay mag-aatubili pa rin lumabas at maglakbay ang mga turista, dito man o sa ibang bansa.
Anila, kailangan mamuhunan tayo sa infra projects upang makaagapay ang turismo ng Filipinas paglipas ng pandemya sa mga nangungunang bansa sa rehiyon gaya ng Thailand, Malaysia, Singapore at Vietnam.