SA PAGDINIG ng House committee on public accounts kahapon lumabas ang karagdagang mga isyu kaugnay sa katiwaliang nangyari sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa pamumuno ni chairman Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan party-list sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa PhilHealth, lumabas na 51 ospital ang nabiyayaan ng P1.4 bilyon sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Ayon kay Defensor, binigyan pa rin ng Philhealth ang mga nasabing ospital ng ‘biyaya’ na umabot sa P1.49 bilyon kahit may mga kasong kinakaharap.
Ayon kay Defensor, umaabot sa 4,664 kaso ang nakabinbin laban sa iba’t ibang ospital sa bansa, ang 3,806 dito ay isinampa ng Philhealth mula 2019 hanggang 2020.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga health care providers ay padding of claims, claims for non-admitted or non-treated patients, extending period of confinement, post-dating of claims, misrepresentation by furnishing false information, unjustified admission beyond accredited bed capacity, unauthorized operations beyond service capability, fabrication or possession of fabricated forms and supporting documents.
Kasama sa mga binanggit ni Defensor ang Capitol Medical Center, Cardinal Santos Medical Center, St. Lukes Medical Center, The Medical City, Marikina Valley Medical Center, Manila Doctors Hospital, Perpetual Succor Hospital & Maternity Inc., Angono Medical Center, Asian Renal Care Philippines, B. Braun Avitum Philippines Inc., Eastern Marikina Dialysis Center, Our Lady of Lourdes Hospital, St. Benedict Dialysis Center, Inc., Holy Trinity Medical Center, St. Louis Hospital sa Sultan Kudarat, Baguio Medical Center, at FEU Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation, Inc.
“Itong 51 hospitals na ito ay may fraud cases na binigyan ng IRM. Ang total po nito ay P1.49 billion. Ang pinagtataka ko, bakit hindi ini-resolved ang fraud cases bago nag-release ng IRM?” ani Defensor.
Hindi pare-pareho ang pondong ini-release ng PhilHealth sa mga pagamutang ito ngunit labis ang pagtataka ng mambabatas kung bakit binigyan pa rin ng advance funds gayong mayroon pa silang kasong kinakaharap.
“Kasi sa mata ng publiko, sa mata namin kung ganito po na may fraud cases na hospital o institusyon at bibigyan pa rin ng pondo ng PhilHealth nakatatakot po itong batayan, nakatatakot po itong ehemplo,” paliwanag ni Defensor.
Ang IRM ay pinondohan ng P27 bilyon na ibibigay nang advance sa mga ospital para magamit sa paggamot ng mga pasyente sa CoVid-19.
Ani Defensor P14 bilyon na ang nai-release rito. (GERRY BALDO)
PHILHEALTH’S IRM
IPINABUBUWAG
NAIS ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na buwagin ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth para sa CoVid-19.
Naniniwala si Drilon na kaya pa rin naman ng PhilHealth na maibigay ang serbsiyo sa kanilang mga miyembro na may CoVid-19 kahit walang IRM.
Hindi na aniya kailangan pa ng IRM kung bibilisan ng PhilHealth ang pagbabayad ng reimbursements at claims.
Iginiit ni Drilon, ang pagbuwag sa IRM ay hindi dapat makaapekto sa serbisyong ibinibigay ng PhilHealth.
Mababatid, sa pamamagitan ng IRM ay advance na binabayaran ng PhilHealth ang mga ospital at healthcare facilities para sa claims ng mga miyembro ng state health insurer.
Ginagawa ito para hindi maapektohan umano ang operasyon ng mga ospital at healthcare facilities tuwing mayroong mga krisis.
Sa ngayon, suspendido pa lang ang programa dahil sa isyu ng korupsiyon. (CYNTHIA MARTIN)