ni Rose Novenario
BAGO nagwakas ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2016 ay may ‘nilutong’ midnight deal na nagresulta sa pagkawala ng P911-milyong real properties na pagmamay-ari ng sequestered at state-run Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) sa Broadcast City sa Capitol Hills, Diliman, Quezon City.
Opisyal na natapos ang administrasyong Aquino noong 30 Hunyo 2016.
Nabatid sa 2016 annual report ng Commission on Audit (COA), noong 18 Mayo 2016 ay may mga amyemdang ginawa sa joint venture agreement (JVA) na pinasok ng IBC-13 sa R-II Builders/Primestate Ventures, Inc., noong 24 Marso 2010.
Ayon sa COA observation report, ang mga amyenda sa JVA ay ‘null and void’ dahil hindi aprobado ng National Economic Development Authority (NEDA), Board Investment Coordination Committee (ICC), at hindi nilagdaan ng kaukulang approving authority alinsunod sa Sections 7.2b at 7.2c ng Revised Guidelines and Procedures for Entering into JVAs sa pagitan ng gobyerno at private entities.
“The Amendment to the Joint Venture Agreement (JVA) dated March 24, 2010 entered into by and between IBC-13 and a private property developer on May 18, 2016 submitted to the COA Audit Team was not approved by the National Economic Development Authority (NEDA) Board Investment Coordination Committee (ICC) and was not signed by appropriate approving authority which is not in accordance with Sections 7.2b and 7.2c of the Revised Guidelines and Procedures for Entering into JVAs between Government and Private Entities, which render the amendment null and void,” ayon sa 2016 COA report.
Ang orihinal na probisyon ng JVA ay i-develop ng RII Builders-Primestate Ventures, Inc., ang 36,401 square meters mula sa 41,401 sqm na pag-aari ng IBC-13 sa Broadcast City ay ilalaan para sa proyektong residential complex na LaRossa at ang natitirang 5,000 sqm ay tatayuan umano ng dalawang building para sa state-run network.
Ngunit sa amended JVA , matapos ang siyam na taong pagbabayad ng P728 milyon ng R-II Builders/ Primestate Ventures sa sistemang installment o hulugan sa IBC-13 ay itinuring itong kabayaran para sa 36,301 square meters na lupain imbes “sharing of net revenues in a Residential development.”
Napag-alaman sa 2017 annual report ng COA, ang mga amyenda sa JVA ay ikinasa at inaprobahan ng dalawang Partido, ang R-II Builders/Primestate Ventures at ang noo’y IBC-13 president at CEO Manolito O. Cruz na awtorisado ng Board of Directors ng state-run network.
Ayon sa executive summary ng 2016 COA report, ang bumubuo ng Board of Directors nang panahong iyon ay sina Jose B. Avellana, Jr. (Chairman), Manolito O. Cruz (President and Chief Executive Officer (CEO), Diosdado B. Marasigan, Ernesto E. Maipid, Jr., Jose Rafael S. Hernandez, Jaime P. Alanis, at Arturo M. Alejandrino.
Ang IBC-13 ay nasa pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at nang ikamada ang mga amyenda sa JVA noong Mayo 2016 ay si Herminio Coloma, Jr., ang kalihim ng kagawaran.
Sa amended JVA , matapos ang siyam na taong pagbabayad ng P728-milyon ng R-II Builders/Primestate Ventures sa sistemang installment o hulugan sa IBC-13 ay itinuring itong kabayaran para sa 36,301 square meters na lupain imbes “sharing of net revenues in a Residential development.”
Base sa report na inihanda ni Victor A. Pasayan, manager-APMD ng IBC-13 noong 2009, ang 41,401 square meters na lupain sa Broadcast City ay rehistrado sa Land Registration Authority na may TCT Number T-225838 at may fair market value na P911,000,000.
Batay sa 2017 at 2018 COA report, nalugi ang IBC-13 sa naturang transaksiyon dahil kung ang talagang intensiyon nito’y ibenta ang ari-ariang lupain, dapat ay cash basis at kung hulugan, dapat patawan ng interes sa halagang idineklara.
“IBC-13 was at a disadvantage for the reason that with the intention to sell the property, the payment should have been made outright or at the very least interest should have accrued on the deferred payments.”
Anang COA, ang naturang transaksiyon na itinuturing na pagbebenta ng ari-arian ng gobyerno, ay paglabag sa Section 79 ng PD No. 1445 at Sections 2 at 3 ng EO No. 888, o “authority to dispose unserviceable equipment and disposable property.”
Sabi ng COA, ang bentahan ay hindi dumaan sa bidding, kaya’t maaaring hindi natanggap ng gobyerno ang tamang bayad base sa tunay na halaga ng lupain ng IBC-13 na napunta sa R-II Builders/ Primestate Ventures.
Ang R-II Builders ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Reghis Romero.
Hindi pinakinggan ng liderato ng IBC-13 ang rekomendasyon ng COA na huwag kilalanin ang mga amyenda sa JVA hanggang masawi si Cruz noong 2017 at palitan siya ni dating Tourism Undersecretary Katherine de Castro.
Si De Castro ay inilipat bilang general manager ng PTV-4, isa pang state-run network at ang inirekomenda niyang officer-in-charge ng IBC-13 ay ang Human Resources Department manager na si Corazon Reboroso.
Nananatili pa rin sa board of directors ng IBC-13 si De Castro kasama sina Jose B. Avellana, Jr., Chairman; Jose Rafael S. Hernandez; Jaime P. Alanis; Mr. Alexander L. Bangsoy at Mr. Arturo M. Alejandrino na pawang nagbigay ng go signal para sa amyenda sa JVA noong 2016. (MAY KASUNOD)