Saturday , November 16 2024

Mega web of corruption: DepEd project sa PCOO ‘Handang isip Handang bulsa’

ni ROSE NOVENARIO

ABALANG-ABALA ang pamunuan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) sa paglulunsad ng broadcast-based mode of learning project sa Department of Education (DepEd) ngayon.

Sa kabila ng kawalan ng sapat na paghahanda ng DepEd at kapos na broadcast infrastructure ng state- run IBC-13, isinusulong ang proyekto kahit mariin ang pagtutol ng iba’t ibang grupo ng mga guro sa ipinipilit na pagsisimula ng klase sa 24 Agosto.

“Walang solusyong inilapat ang pamahalaan sa atrasadong kapasidad panteknolohiya ng sistema ng edukasyon para ihanda ang online distance learning. Ni walang inilalaang gadget o internet load para sa guro at estudyante. Walang malinaw at konkretong plano hanggang ngayon kung paano gagana ang TV/radio-based learning modality,” ayon sa kalatas ng Alliance of Concerned Teachers – Philippines.

Ayon sa source, anomang oras ay masusungkit ng DepEd ang matamis na ‘oo’ ng Department of Budget and Management (DBM) para ibigay sa kagawaran ang inaasam na P214-milyon para sa broadcast-based mode of learning.

Hindi na lamang sa IBC-13 ipalalabas ang mga programa ng DepED bilang blocktimer, kasama na rin sa mag-eere ang People’s Television Network Inc. (PTNI) at social media page ng Radio Television Malacanang (RTVM) at PCOO.

Kasama sa Handang Isip, Handa Bukas National Kick-off program ng DepEd ngayon 8:45 am na ipalalabas sa mga nasabing state-run TV networks at social media pages ang kaugnay sa Basic na Education Learning Continuity Plan (BE-LCP).

Sinabi ng ACT-Philippines, kapuna-puna namang walang interes ang DepEd na tumulong sa laban ng bansa sa pandemya.

Hindi nakapasok sa kurikulum ng BE-LCP ang edukasyon hinggil sa pandemya. Sa halip, ipagpapatuloy lamang ang kurikulum ng K-12 sa porma ng Most Essential Learning Competencies.

Kung pagbabatayan sa implementasyon ng DepEd project sa state-run network, maaaring sabihin na pagkakakitaan ito imbes maging “informative and educational”

Nakasaad sa Marketing Plan ng proyekto:

  1. Have a Youtube channel that can be viewed by K-12 students and can be a source of revenue
  2. Partnership with private companies thru their CSR (corporate social responsibility) programs
  3. Airing of commercials in-between subject breaks

Sa mahal ng load na magagastos ng isang estudyante para mapanood ang isang online lecture sa lugar na mahina ang signal ng telco, Smart man o Globe, hindi ba dagdag parusa sa bulsa at aksaya sa oras niya na sapilitang panoorin ang commercial o anunsiyo na isiningit ng IBC-13 Youtube channel?

Kailangan ba talagang pagkakitaan ng isang state-run network ang DepEd project na magbabayad naman ng airtime sa IBC-13 ng hanggang P214-milyon upang ipalabas ang kanilang learning materials?

May kukubra ba ng komisyon sa advertisement? Ilang porsiyento? May advertising agency ba na nais makinabang sa proyekto?

May kausap ba ang telecommunication companies, gaya ng Globe at Smart, sa PCOO, IBC-13 at DepEd? (MAY KASUNOD)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *