INAPROBAHAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang hirit ng pamunuan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na isailalim sa 14-araw quarantine ang lahat ng kanilang kawani dahil sa patuloy na paglobo ng kompirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nasabing unibersidad.
Aprobado rin ni Domagoso na isailalim sa lockdown ang buong kampus kasabay ng isasagawang quarantine sa mga kawani ng PLM.
Ang naturang hakbang ay bunsod ng kahilingan sa pamunuan ng PLM sa pamamagitan ng kanilang
COVID-19 Task Force dahil sa pagtaas ng bilang ng mga aktibo, suspected, at probable na kaso ng virus sa Campus.
Ayon kay PLM President Emmanuel Leyco, nakapagtala sila ng apat na kaso ng COVID-19 na dalawa rito ay gumaling at isa ang namatay.
Bukod dito ay may naitala umanong tatlong probable case at isang suspected case.
Dahil dito, lahat ng empleyado ng PLM ay pinayagang mag-work from home sa susunod na dalawang linggo simula nitong Lunes maliban sa IT at Server Maintenance staff; disinfection and sanitation crew; at security personnel. (VV)