NAGPOSITIBO ang isang guro ng Manuel A. Roxas Senior High School sa Maynila matapos makaramdam ng sintomas ng COVID-19.
Sa ulat, ang naturang guro ang pangulo ng The Teachers’ Dignity Coalition (TDC), Manila chapter na si Ildefonso “Nono” Enguerra III.
Ayon sa report, 22 Hulyo nang sumailalim ang nasabing guro sa swab test matapos magkaroon ng mataas na lagnat, ubo, sipon, pangangati ng lalamunan, at nawalan din ng pang-amoy at panlasa.
Ayon sa ulat, 14 Hulyo nang mag-report ang guro sa nasabing paaralan kasama ang 30 pang mga kasama sa trabaho upang tapusin ang kanilang performance rating at para sa kanilang training ng Google classroom.
Nakaramdam din ng sintomas ang iba pa niyang mga kasama na sasailalim na rin sa COVID-19 test.
Kasalukuyan nang ipinasara pansamantala ang paaralan upang maisailalim sa disinfection na tatagal hanggang sa 3 Agosto.
Dahil sa pangyayaring ito, nanawagan ang grupong TDC sa Department of Education (DepEd) na huwag na munang i-require na mag-report ang mga guro sa paaralan na nagiging dahilan pa ng patuloy na paglaganap ng virus.
Tulad na lamang ng ibinigay na halimbawa ng grupo kung saan nasa 20 guro sa probinsiya ng Quezon ang kasalukuyang naka-self isolate matapos makasalamuha ang isa nilang kasama na positibo pala sa COVID-19.
Binigyang linaw ng DepEd na hindi nila inoobligang mag-report ang mga guro sa mga paaralan lalo’t mayroon namang alternative work arrangements.
“It is reiterated… that physical reporting to the workplace [or] onsite is not mandatory, and shall be done in consultation with the personnel,” pahayag ni Education Undersecretary Jesus Mateo sa isang memorandum na inilabas noong 24 Hunyo.
Matatandaang mismong si DepEd Secretary Leonor Briones ay nagkaroon din ng COVID-19, tatlong buwan na ang nakararaan.
Lumabas na asymptomatic ang kalihim at matapos ang ilang linggong pakikipaglaban sa virus ay nagnegatibo na rin.
Samantala, ilang mga guro ang patuloy na ‘nakikipagsapalaran’ sa ‘new normal’ situation sa larangan ng edukasyon.
Dahil hindi pa nga sila pinapapasok sa paaralan, kanya-kanya sila ng diskarte kung paano makadadalo sa online seminars o ‘webinars.’
Ang ilan ay umaakyat pa sa matataas na lugar, makasagap lamang ng internet connection. (VV)