DAHIL sa sunod-sunod na pagkakasakit ng medical frontliners sa Ospital ng Maynila, pansamantala itong isasara sa publiko sa loob ng 10 araw.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, isasara ang naturang ospital simula 12:01 am 31 Hulyo hanggang 9 Agosto.
Isasailalim sa disinfection ang naturang ospital makaraang tumaas ang bilang ng COVID-19 patient at mahawaan ang ilang nurse at doktor.
Nanawagan ang alkalde sa publiko na huwag munang magdala ng pasyente maliban kung ang sitwasyon ay buhay at kamatayan.
Habang ang mga sumasailalim sa dialysis ay tuloy pa rin gayondin ang chemo dialysis sa OSMA.
Kabilang sa serbisyong hindi titigil sa OSMA ang
tele-medicine, mga laboratory at swab tests, serology at radiology test.
Ayon sa alklade, nasa 11 frontliners ng OsMa ang naka-admit, apat ang kompirmadong kaso ng COVID-19 ngunit naka-home quarantine, 32 ang suspected case at kasalukuyang sumasailalim sa self-quarantine sa kani-kanilang bahay.
Nasa 58 ang naitalang “close contact” sa mga kompirmadong kaso ng COVID-19 kaya’t binigyan sila ng pagkakataon na obserbahan ang sarili at makapagpahinga sa kanilang mga bahay.
Para sa publiko, sinabi ni Domagoso na may anim pa namang ospital na pinatatakbo ang lokal na pamahalaang lungsod na maaari nilang puntahan pansamantala. (VV)