ni Rose Novenario
SUNTOK sa buwan ang panukalang P1.5 bilyong technical upgrade budget para sa state-run Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) na ikinasa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at nais paaprobahan sa Kongreso bilang paghahanda sa layunin nitong maging “DepEd Official Channel.”
Ayon sa source, kapos na ang panahon para paghandaan ang ambisyosong TV-based learning project dahil magbubukas na ang klase sa 24 Agosto 2020.
Giit ng source, hindi mabibili “over the counter” ang mga modernong kagamitan para sa IBC-13 batay sa nakasaad sa binalangkas na Estimated Capital Expenditure for IBC as Educational Broadcast Network (Analog and Digital TV Broadcast – 6 Channels) ng Technical Working Group (TWG) na binubuo ng ilang opisyal ng PCOO at state-run network.
Batay sa dokumento, aabot hanggang P1,143,828,000 o P4,210,000 ang kailangang pondo kada buwan sa loob ng tatlong buwan para sa technical upgrade ng state-run network.
“Kailangan pang dumaan sa bidding ang pagbili sa equipment, io-order pa ito sa manufacturer sa ibang bansa. Dagdag pa ang pagdaraanang proseso sa paghingi ng permit sa LGUs, local electric corporation/cooperative para sa pagtatayo ng bagong tower para sa transmitter. Ang mismong konstruksiyon ay bibilang rin ng ilang buwan, paano pakikinabangan ito sa DepEd project ng IBC-13?” anang source.
Ayon sa panukala ng TWG, hinati sa tatlong yugto ang pagpapatupad ng modernisasyon at rehabilitasyong teknikal na gagawin sa IBC-13 station at tutustusan ang analog transmitters sa Laoag station sa halagang P57- milyon; sa Iloilo TV station P54-milyon, Cagayan de Oro TV station PP37-milyon, at sa itatayo pa lang sa Palo, Leyte ay P57-milyon.
Habang ang plano ng IBC-13 para sa digital transmitters ay maglaan ng P101-milyon para sa Manila TV station; P56-milyon sa Baguio TV station; P41-milyon para sa Cebu TV station; para sa Davao TV station ay P41-milyon; sa Laoag TV station ay P41-milyon; Iloilo TV station P41-milyon, at tig-P41-milyon para sa Cagayan de Oro at Palo, Leyte TV station.
Ang nasabing plano ay naaprobahan kahit walang kinatawan ang unyon ng mga obrero at empleyado sa IBC-13 sa TWG gayong ang kanilang lakas-paggawa ang inaasahan sa pagpapatupad ng DepEd project.
Etsapuwera ang unyon kahit ang management ay may pagkakautang sa mga aktibo at retiradong manggagawa na aabot sa P800-milyon mula sa unpaid benefits ng mga aktibo sa serbisyo at retirement benefits ng mga retirado.
Kaya malaking kuwestiyon ang isinusulong na DepEd project hindi lang sa aspekto ng kakulangan sa kahandaan at mga presyong nakasaad sa proyekto at motibo ng mga opisyal na nagkasa nito.
Batay sa IBC-13 Proposed 2021 Budget na isusumite sa Kongreso, 19 na kawani ng IBC-13 sa pitong TV station sa buong bansa at ang apat na kawani ng Laoag TV station ay tumatanggap ng below minimum wage na P8,577,50 bawat isa kada buwan.
Lumalabas na ang pinakamababang sahod ng kawani ng IBC-13 ay halos 4% lamang ng suweldo ng kanilang President at CEO na P200,784.58 na hanggang noong nakalipas na Abril ay si Katherine de Castro.
Sa kasalukuyan, si De Castro ay general manager ng People’s Television Network Inc.(PTNI), isa rin state-run network, at kasama sa bumubuo ng TWG para sa DepEd project. (MAY KASUNOD)