ILILIPAT sa Baguio City Jail ang tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot sa hazing at pagpatay kay 4th cadet class Darwin Dormitorio.
Kasunod ito ng kautusan ni Baguio Regional Trial Court Branch 5 Presiding Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera.
Sa kanyang kautusan, sina PMA 3rd class cadets Shalimar Imperial, Felix Lumbag, at Julius Tadena ay pinalilipat sa Baguio City Jail habang wala pang desisyon ang korte sa mosyong inihain ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Nahaharap sa kasong murder sina Imperial at Lumbag habang si Tadena ay kinasuhan ng hazing at less serious physical injuries.
Nauna nang umapela ang AFP sa korte na mapanatili sa kanilang kustodiya ang tatlong nabanggit na PMA cadets na kinasuhan dahil sa pagkamatay ni Dormitorio sa pamamagitan umano ng hazing.
Pinagsusumite ng Baguio RTC Branch 5 ang prosekusyon ng komento sa mosyon ng AFP hanggang kahapon, Hulyo 30.
Matatandaang 18 Setyemre 2019 nang pumanaw si Dormitorio, 20, dahil sa mga pasa at bugbog sa katawan dulot ng matinding hazing. (VV)