ARESTADO ang isang babaeng overseas Filipino Worker (OFW), at isang negosyante sa lalawigan ng Zamboanga matapos magbenta sa isang undercover police agent ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.7 milyon noong Martes ng hapon, 28 Hulyo.
Sa ulat nitong Miyerkoles ng umaga, 29 Hulyo, kinilala ni Zamboanga Peninsula (PRO-9) Director P/BGen. Jesus Cambay, Jr., ang mga nadakip na suspek na sina Nur-Adzelyn Villaraza, 22 anyos, isang OFW, residente sa Barangay Rio Hondo; at Linda Kasim, 51 anyos, negosyante, at residente sa Barangay Maasin, parehong nasa naturang lungsod.
Pinangunahan ni P/Maj. Chester Natividad, hepe ng Zamboanga City Police Station 4 (ZCPS 4), ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek sa Pilar St., Bgy. Zone IV, hapon ng Martes.
Nakompiska sa dalawang suspek ang 11 malalaking transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 550 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P3.7 milyon.
Nasamsam din ng pulisya ang P600,000 halaga ng pekeng pera na ginamit nilang boodle money.
Nakipagsanib-puwersa ang mga operatiba ng ZCPS 4, Zamboanga City Police Station 11 at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-9) kina P/Maj. Natividad sa pagkakasa ng buy bust upang masukol ang dalawang suspek.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawang babae sa ZCPS 4 habang inihahanda ang kaukulang mga kasong isasampa laban sa kanila habang isasailalim sa pagsusuri sa Zamboanga City Crime Lab Office ang mga nasamsam na ebidensiya.