Monday , December 23 2024

Mega web of corruption: ‘Landgrabbing’ sa IBC-13 busisiin (Mula sa 41,401 sqm, 5,000 sqm na lang)

ni Rose Novenario

ILANG linggo matapos pagkaitan ng Kongreso ng prankisa, inaasahang haharap muli sa mga mambabatas ang mga Lopez ng ABS-CBN sa isyu ng pagkuwestiyon sa kanilang pagmamay-ari sa 44,000-square meter property sa Mother Ignacia Avenue, Quezon City.

Batay sa House Resolution 1058 na inihain ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, nais niyang imbestigahan ng Kamara kung tunay o hindi ang titulo ng lupaing kinatitirikan ng pasilidad ng ABS-CBN at kung pagmamay-ari ba ito talaga ng mga Lopez.

Gayonman, hindi na dapat lumayo pa si Marcoleta, ilang kilometro mula sa gusali ng Batasan Pambansa, ang 41,401 sqm na pag-aari ng state-run, government owned and controlled corporation (GOCC) na Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) sa Broadcast City, Capitol Hills, Quezon City na ngayon ay naging 5,000 square meters na lamang.

Kung gustong maging ‘bisyo’ ni Marcoleta ang mag-ukilkil ng mga lupain na pag-aari ng television network, mabuting pagtuunan niya muna ng pansin ang bakuran ng pamahalaan.

Ilang taon nang laman ng Commission on Audit (COA) report sa IBC-13 ang rekomendasyon na ipawalang-bisa ng state-run network ang pinasok na joint venture agreement (JVA) sa R-II Builders-Primestate Ventures Inc., ng negosyanteng si Reghis Romero noong Marso 2010 dahil lugi ang gobyerno sa kasunduan.

Nakasaad sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) sa 2018 Annual Audit Report, “Rescind the JVA and its amendments as this will result in IBC-13 losing its share in the JVA with RBI/PVI; otherwise, cause another amendments to then JVA that will be just fair to others.”

Naglahong parang bula ang pangalan ng state-run network bilang may-ari ng ekta-ektaryang lupain.

Nagtaka mismo ang COA  sa kinalabasan ng JVA, kaya’t sa 2018 Annual Audit report nito’y sinabi na ang terms and conditions ng inamyendahang JVA noong 2016 ay nagresulta sa contract of sale imbes joint venture agreement.

Ang orihinal na probisyon ng JVA ay i-develop ng R-II Builders-Primestate Ventures, Inc., ang 36,401 square meters mula sa 41,401 sqm na pag-aari ng IBC-13 sa Broadcast City, Capitol Hills, Quezon City para sa proyektong residential complex na LaRossa at ang natitirang 5,000 sqm ay tatayuan umano ng dalawang building para sa state-run network.

Ngunit sa amended JVA , matapos ang siyam na taon na pagbabayad ng P728-M ng R-II Builders/Primestate Ventures sa sistemang installment o hulugan sa IBC-13 ay itinuring itong kabayaran para sa 36,301 square meters na lupain imbes “sharing of net revenues in a residential development.”

Batay sa COA report, nalugi ang IBC-13 sa naturang transaksiyon dahil kung ang talagang intensiyon nito’y ibenta ang ari-ariang lupain, dapat ay cash basis at kung hulugan, sana’y may ipinataw na interes sa halagang idineklara.

“IBC-13 was at a disadvantage for the reason that with the intention to sell the property, the payment should have been made outright or at the very least interest should have accrued on the deferred payments.”

Sabi ng COA, ang bentahan ay hindi dumaan sa bidding, kaya’t maaaring hindi natanggap ng gobyerno ang tamang bayad base sa tunay na halaga ng lupain ng IBC-13 na napunta sa R-II Builders/ Primestate Ventures.

Walang pumipigil kay Marcoleta at sa iba pang mambabatas para isalba ang naghihingalong kalagayang pinansiyal ng IBC-13 na tila nabiktima ng ‘Budol-budol Gang,’ pinangakuan ng langit ng kausap ngunit isinadlak sa putikan.

Hindi rin bawal na busisiin ng Kongreso ang inihahaing P1.5 bilyong proyekto ng IBC-13 sa Department of Education (DepEd) upang maging official channel para sa TV-based learning sa ilalim ng mga bagong patakaran na ipinaiiral sa sitwasyong ‘new normal.’ (MAY KASUNOD)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *