TULOY ang palitan ng speaker sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Oktubre at walang magbabago sa napag-usapan.
Ito ang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa interbyu kahapon sa radio DZBB.
“Well ang usapan po kasi namin, ako ang personal commitment ko po sa ating Pangulo bilang head ng koalisyon, maghihintay ako ng advice n’ya sa tamang oras,” ani Cayetano.
Ayon kay Cayetano, tuloy ang napagkasunduan nila ni Marinduque Lord Allan Velasco.
“Having said that, wala naman pong nagbabago sa aming mga napag-usapan. Ang usapan kasi namin, hindi na magpapalit lahat ‘yung ibang chairman. Kung sakali, isa o dalawa lang at ‘yung Speaker,” paliwanag ni Cayetano.
Sa kasunduan na inayos ni Pangulong Duterte, magsisilbi ang kongresista ng Taguig-Pateros sa loob ng 15 buwan habang si Velasco ay sa huling 21 buwan ng administrasyon hangang sa 30 Hunyo 2022.
Si Velasco ay wala sa unang lista na inilabas ng Kamara sa mga ekslusibong inimbita na dumalo sa State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex ngayong Lunes.
Pero sa pinal na lista kasama ang pangalan ni Velasco, ang anak ng presidente na si Deputy Speaker Paolo Duterte, Zamboanga 1st District Sharky Palma, Quezon 2nd Dist Rep. JayJay Suarez, at DUMPER Party-list Rep. Claudine Diana Bautista.
Naunang kumalat sa mga reporter sa Kamara na nakalista si Velasco sa presidential entourage sa Lunes.
Si Velasco ay kilalang malapit sa presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Orihinal na lista ng mga imbitado ang mga sumusunod: Speaker Cayetano; Deputy Speakers Johnny Pimentel, Luis Raymund Villafuerte, Dan Fernandez, Raneo Abu, Dong Gonzales, Rodante Marcoleta; Majority Floor Leader Martin Romualdez; Minority Leader Benny Abante; Deputy Minority Leader Janette Garin; Secretary General Jose Luis Montales; Deputy Secretary General Brian Raymund Yamsuan; Sergeant-at-Arms Ramon Apolinario; and congressmen Robert Ace Barbers, Michael Defensor, Elpidio Barzaga, Eric Go Yap, Lani Cayetano, Juan Miguel Arroyo, Boying Remulla, Wes Gatchalian, Chicoy Alvarez, Divine Yu, Jonathan Sy-Alvarado, at Bambol Tolentino.
Sa kasalukuyan, patuloy ang preparasyon ng kamara para sa SONA.
Ang lahat ng dadalo ay sumasailalim sa swab test kasama na sina Cayetano, ang 30 kongresista at mga staff nito.
Bukas, bago ang SONA ay sasailalim muli sila sa rapid test. (GERRY BALDO)