BINAWIAN ng buhay ang isang matandang babae noong Huwebes, 23 Hulyo, sa Barangay Villamonte, lungsod ng Bacolod, sa lalawigan ng Negros Occidental, habang nakapila sa namamahagi ng social amelioration program (SAP) benefit na ilalaan para sa pangangailangan ng mga apo.
Kinilala ni Barangay Chairman Rommel Flores ang pumanaw na residenteng si Aurelia Magbanua, 87 anyos, mula sa Purok Sabes.
Ani Flores, nagtungo ang lola sa gymnasium kasama ang isang anak na babae dakong 10:00 am noong Huwebes upang kunin ang SAP allowance na nagkakahalaga ng P6,000, nang bigla umanong sumama ang pakiramdam ng matanda.
Nang inilipat siya sa ibang upuan, bigla na lamang nawalan ng malay ang matanda kaya isinugod sa pagamutan ngunit binawian ng buhay habang hinahabol ng hininga.
Pinayohan si Magbanua ng kaniyang anak na sa hapon na kunin ang kaniyang SAP benefit, ngunit nagpumilit ang lola dahil gusto niya umanong bahaginan ang kaniyang mga apo ng makukuhang pera.
Isa si Magbanua 4,386 benepisaryo sa naturang barangay na kabilang sa pangalawang bahagi ng distribusyon ng SAP mula sa pambansang pamahalaan para sa mga ‘poorest of the poor’ na apektado ng pandemyang coronavirus disease (COVID-19).
Bagaman may bubong ang gymnasium, sinabi ni Flores, mainit pa rin dahil sa rami ng taong kukuha ng kanilang SAP benefit.
Noong nakaraang Mayo, naganap ang parehong insidente sa Bgy. Tangub, nang isang matandang lalaki ang natumba at namatay dahil sa atake sa puso habang nakapilang naghihintay sa pamamahagi ng SAP.