HINDI bababa sa 35 locally stranded individuals (LSIs) mula sa lalawigan ng Negros Occidental at isang Bacolodnon ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos sumailalim sa testing.
Sa mga bagong kaso, lima ay mula sa lungsod ng Sagay City, tig-tatlo mula sa bayan ng Hinigaran, at mga lungsod ng Bago, at Victorias; tigdalawa mula sa mga bayan ng Murcia, at Moises Padilla, at mga lungsod ng Cadiz, Kabankalan, Silay; tig-isa mula sa mga bayan ng Manapla, Binalbagan, Isabela, La Castellana, Cauayan, Hinoba-an, at mga lungsod ng San Carlos, at Escalante.
Ayon kay Negros Occidental Provincial Administrator Rayfrando Diaz, ang mga nagpositibong LSI ay kabilang sa higit 1,500 umuwi sa lalawigan sakay ng mga barko ng 2GO na inorganisa ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa huling apat na araw na walang kaukulang koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan.
Hiniling umano ng pamahalaang panlalawigan sa IATF na pansamantalang suspendihin ang pagdating ng mga LSI sakay ng mga barko ng 2GO dahil mayroon pang mga nakalagak sa kanilang quarantine facilities.
Ani Diaz, nagpauwi mula sa mga quarantine site ang provincial government ng higit 3,000 LSI na nagnegatibo sa COVID-19 test kaya natanggap nila ang higit 1,500 LSI na biglang dumating sa lalawigan.
Dagdag niya, ang pagpapapasok ng mga LSI ay dapat naaayon sa kapasidad ng mga quarantine facility.