PARA sa mga dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, 27 Hulyo, kailangan silang dumaan sa dalawang test ng COVID-19.
Kasama rito ang mga kongresista, opisyal ng gobyerno at staff members.
Ayon kay House Deputy Secretary-General Ramon Ricardo Roque lahat ng dadalo sa SONA ay kinakailangan magpa-test ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) at rapid testing.
Ang mga kongresista at mga staff nito ay dapat magpa- test sa RT-PCR sa 26 Hulyo and rapid test naman sa sunod na araw 27 Hulyo bago mag-SONA.
“For the Senate they will have their own collection venue, as well as for Malacañang,” ani Roque.
Bukod sa SONA, ang media ay pagbabawalan din mag- cover ng pagbubukas ng Second Regular Session ng Mababang Kapulungan.
Ang sesyon ay magbubukas 10:00 am at mag-a-adjourn pagkatapos ng speech ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ang SONA ay ihahayag ganap na 4:00 pm.
Ayon kay House Secretary-General Luis Montales, ang mga miyembro ng Kamara na dadalo sa SONA ay dadalo rib sa pagbubukas ng sesyon sa umaga.
Ani Montales, lahat ay kinakailangang gumamit ng face masks at face shields.
Ang mga may temperaturang 37.5 degrees o mas mataas pa ay hindi papayangang pumasok at dadalhin sa quarantine tents.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms Ramon Apolinario, ang Batasan Complex ay isasailalim sa lockdown mula Biyernes. (GERRY BALDO)