NATUWA si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na napansin ang pagsisikap sa matatag na pagharap sa pandemyang coronavirus disease (COVID-19) at ito ay ipinagpasalamat niya sa masisipag at magigiting na opisyal at empleyado ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Domagoso, nagpapasalamat siya sa kooperasyong ipinamalas ng kanyang mga kapwa serbisyo-publiko sa Maynila lalo kay Vice Mayor Honey Lacuna na nanumbalik ang dignidad sa paglilingkod sa bayan sa panahon ng kanyang administrasyon.
“I think — if I may share, ito na lang siguro ang maisi-share ko, siguro iyong kooperasyon ng mga empleyado ng City Hall, iyan tingin ko dahil siguro nabuhay ang loob nila uli, tumaas ang dignidad sa paglilingkod sa bayan, nagkaroon sila ng bagong mindset. That thing at least that I can share with you, especially with our doctors nowadays, ang tatapang ng mga batang Andres Bonifacio, iyong mga doctor and nurses ng medical workers namin. I am happy to have them in facing these challenges,” pahayag ni Domagoso hinggil sa sekreto ng kanyang “efficient governance” sa Maynila.
Aminado si Domagoso na sa first at second quarter ng taon ay hindi masyadong naramdaman ng mga Manilenyo ang hagupit ng pandemya ngunit sa third at fourth quarter ay mararanasan na ang epekto nito sa ekonomiya kaya’t pinaboran niya ang pagluluwag na may kaunting disiplina upang makabangon ang mga negosyo at kabuhayan sa lungsod at mapalawak ang pagharap sa mga pagsubok ng COVID-19.
“In fact, napabuti nga kami kahit na nagkaroon ng pandemya, hindi kami masyadong naapektohan, pero alam ko maaapektohan din kami on the third quarter and fourth quarter ‘no. But for now, naka-survive kami and we continue to survive economically speaking but our businessmen are affected gravely. So, that is why we are always in favor of iyong pagluluwag, pero may kaunting disiplina at mayroon kaunting paghihigpit at mas malawak na approach or bigger approach in fighting COVID-19,” dagdag ng alkalde.
Inilunsad kamakailan ni Domagoso ang free drive-thru swab testing at kahapon ay sinimulan ang free walk-in swab testing para sa mga Manilenyo at maging sa mga hindi taga-Maynila.
“So, kung quarantine, mayroon tayo, COVID facility, mayroon tayo, PCR lab, mayroon tayo, mass testing, mayroon tayo, mayroon tayong virtually the same PCR lab testing, mayroon tayo, and tracing, mayroon tayo. So, we’re just trying to do our best,” wika niya. (ROSE NOVENARIO)